MANILA, Philippines – Nagulat ang alkalde ng San Carlos City, Negros Occidental nang makatanggap ng mga liham mula sa Procurement Service of the Department of Public Works and Highways (DPWH) Central Office.
Ayon kay Mayor Renato Gustilo, ang mga liham ay pinadala sa magkakahiwalay na petsa at nangangailangan ng kanyang kumpirmasyon kaugnay sa pagiging lehitimo ng kanyang mga pirmang ginamit sa mga dokumento na may kaugnayan sa tatlong flood control projects sa lungsod.
“It was a letter for verification regarding projects allegedly of those contractors who claim they have a project here in San Carlos City for flood control,” sinabi ni Joe Recalex Alingasa Jr., spokesperson ng Local Government Unit (LGU) ng San Carlos City.
Ang mga pirma ng alkalde ay ginamit sa Notice of Awards, Notice to Proceed, Contract of Agreement, Certificate of Completion and Acceptance, at Certificate of Final Acceptance.
Kabilang sa kabuuang halaga ng mga proyekto na umabot sa P306.4 milyon ay ang P151-million flood control project sa Palampas River, mahigit P77 million flood control project sa Andoon River, at mahigit P77 million flood control project sa Jigalaman River sa ilalim ng tatlong iba’t ibang contractor.
Sumagot si Gustilo sa mga liham at sinabing ang mga pirma ay peke o ginaya lamang.
“He immediately replied. He refer the matter to his legal team and when they verified the documents nakita doon na forged po yung signatures ni mayor sa tatlong documents, puro forged yung signature ni mayor. In short, peke,” pagbabahagi ni Alingasa.
Ayon sa Fifth District Engineering Office ng Negros Occidental, posibleng naghahanap ng upgrade sa kani-kanilang lisensya ang mga kontratista at ginamit ang mga proyekto at ang pirma ng alkalde para sa kanilang binabalak.
“Hindi ko rin sila kilala. Hindi naman sila naka-transact sa aming district. Iyan ang lumalabas sa mga Notice of Awards sa kanilang documents ang pangalan ni Mayor Gustilo. Kung maaprobahan, ma-upgrade ang kanilang license, parang magiging malaki ang contracting capacity na pwede kang makilahok sa ganyang mga project. Ang ginawa nila, (para) sa upgrading lang sa license, eh,” pahayag ni Engr. Alfonso Jorbina Sr., officer in charge ng Negros Occidental 5th District Engineering Office.
Ani Alingasa, may flood control projects sa lungsod ngunit hindi ito hawak ng mga kompanya na binanggit sa mga dokumento ng mga nagpapakilalang kontratista.
“In short, gusto lang nilang mag ride-on doon sa existing projects. Hindi po siya matatawag na ghost projects kasi it’s there already but in as much as nag-appropriate ng P306 million, yun po yung ma-consider na ghost kasi wala talagang makikita dito sa San Carlos City,” ipinunto ni Alingasa.
Humingi na ng tulong ang mayor sa National Bureau of Investigation para imbestigahan ang tatlong contractor.
Ipinadala na rin nito sa NBI ang certification mula sa Bids and Awards Committee ng San Carlos City LGU bilang patunay na ang mga proyektong binanggit sa mga dokumento ay wala sa rekord ng lungsod. RNT/JGC