MANILA, Philippines – Sinabi ng lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Biyernes, Agosto 29 na dalawa lamang sa 254 na namonitor na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inaprubahan nito.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ang pinagsamang halaga ng flood control projects na ito mula 2021 hanggang 2025 ay mahigit P14 bilyon.
Nabahala si Belmonte sa ilan sa mga proyekto ng DPWH dahil sa mga isyu ng maling lokasyon, hindi tiyak na mga site, parehong contract costs, idineklarang nakumpleto na ngunit nagpapatuloy pa rin ang paggawa, at generic project titles.
Sinabi pa nito na isa sa proyekto ang napag-alaman na hinati sa 66 phases.
“May iba na hindi tiyak kung saan ang project site kung pagbabasehan ang project title, kaya mahirap tukuyin kung talagang nagawa o natapos ang proyekto,” ani Belmonte.
“Mayroon na rin mga proyekto na parehong-pareho ang approved budget for the contract o ABC, o parehong-pareho ang contract cost kahit iba-iba ang lokasyon. Tila bang may template lamang na ginamit,” dagdag pa ng alkalde.
“May mga projects din na dineklara nang completed pero nu’ng binisita namin ang site, nakita namin na ongoing pa ang pagpapagawa.”
Wala pang tugon ang DPWH kaugnay nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na nakikipagtulungan ang QC LGU sa University of the Philippines (UP) Resilience Institute para sa mas malalim pang evaluation ng mga proyekto.
“As we move forward with this information, we intend to work with the UP Resilience Institute to further evaluate projects that communities have deemed ineffective or identified to have worsened flooding,” sinabi ni Belmonte.
Nangako rin ang alkalde na makikipagtulungan sa imbestigasyon sa mga flood control project.
“Hangad namin na mapanagot ang mga taong responsable sa mga anomalya kaugnay ng flood control projects sa ating lungsod. Thus, we will cooperate in every possible way with the investigating agencies assigned by the President.” RNT/JGC