Home METRO P.4M tobats nasabat sa mag-live in partner sa Quezon

P.4M tobats nasabat sa mag-live in partner sa Quezon

271
0

MANILA, Philippines – ARESTADO ang mag-live in partner matapos maaktuhan na nagbebenta ng ipinagbabawal na droga sa isinagawang buy-bust operation, at narekober sa mga ito ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱442,000 kaninang madaling-araw sa Barangay Batangan, General Nakar, Quezon.

Ang mag-live in partner na kapwa nasa kustodiya ng General Nakar Municipal Police Station ay kinilala sa alyas Noe, 40, residente ng Barangay Comon, Infanta, Quezon, at alyas Kimberly, 30, nakatira sa Barangay Batangan, General Nakar ng nabanggit na lalawigan.

Batay sa report ng Infanta Police Station, dakong alas-12:57 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na elemento ng Drug Enforcement Team ng Infanta Municipal Police Station kung saan nadakip sa akto ang mga suspek na nagbebenta ng iligal na droga sa nagpanggap na poseur-buyer na pulis.

Napag-alaman na ang mga suspek ay pawang nasa listahan ng pulisya hinggil sa pagpapalaganap umano ng ilegal na droga, kung saan si alyas Noe ay kabilang sa High Value Individual, samantalang si alyas Kimberly ay kabilang sa Street Level Individual.

Narekober sa mga suspek ang tinatayang 65 gramo ng hinihinalang shabu na may drug standard price na ₱442,000 at ang ginamit na buy-bust marked money ng nagpanggap na poseur-buyer, samantalang ang mag-live in partner ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ayon kay PBGEN Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO Calabarzon, binigyang-diin nito na ang PRO Calabarzon ay magpapatuloy sa pagpapatupad ng Intensified Campaign Against Illegal Drugs.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi ligtas at payapa ang bawat pamayanan sa CALABARZON sa mga masamang dulot ng kalakalan ng iligal na droga,” ani PBGEN Lucas.

Kaugnay nito, hinikayat ng PRO Calabarzon ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad upang tuluyang masugpo ang banta ng iligal na droga at kriminalidad sa lalawigan ng Calabarzon.

(Ellen Apostol)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here