MANILA, Philippines – Matapos pansamantalang ipatigil ng Department of Public Works and Highways (DPWH), muling pinayagan ang procurement activities para sa mga locally funded civil works projects.
Matatandaang ipinatigil ng ahensya ang procurement noong Setyembre 6 sa gitna ng patuloy na pag-iimbestiga sa kontrobersyal na flood control projects ng pamahalaan.
Sa inilabas na memorandum ni DPWH Secretary Vince Dizon, maaari nang ipagpatuloy ang mga bidding at kontrata, ngunit mahigpit na ipapatupad ang ilang bagong panuntunan para masiguro ang transparency at integridad ng proseso.
Kabilang dito ang livestreaming ng bidding activities upang masundan ng publiko ang pagbubukas ng mga bid.
Upang masiguro ang aktuwal na lokasyon at progreso ng proyekto, kinakailangan namang naka-geotag ang project sites mula pagpaplano hanggang sa makumpleto.
Obligado ring gamitin ang Project and Contract Management Application para sa tamang monitoring.
Ipinagbabawal din ang paghahati ng kontrata, dapat maayos ang Net Financial Contracting Capacity ng bidders, at kailangan ng full disclosure ng relasyon at beneficial ownership upang maiwasan ang conflict of interest.
Layon ng mga hakbang na ito na mapabilis ang implementasyon ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura nang hindi isinasakripisyo ang transparency at accountability. Jocelyn Tabangcura-Domenden