TAGUIG, Philippines – Nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga opratiba ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) ang tatlong tinaguriang high-value individual (HVI) Sa Taguig City Huwebes ng gabi, Setyembre 18.
Sa report na isinumite ng DDEU kay SPD director P/Brig. Gen Randy Arceo, kinilala ang tatlong inarestong suspek na sina alyas Jay, 33, HVI pusher na target ng operasyon; alyas Michael, 18; at isang alyas Archie, 20.
Ayon kay Arceo, nadakip ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng DDEU kabilang ang District Intelligence Division (DID) at ng mga tauhan ng Taguig police Sub-Station 4 sa loob ng isang apartelle sa Barangay Ususan, Taguig City, bandang alas 8:40 ng gabi.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,020,000.
Bukod sa ilegal na droga ay narekober din sa posesyon ng mga suspek ang isang android phone at ang ₱1,000 bill na kasama ang 49 piraso ng bogus money na ginamit sa naturang opeasyon.
Si alyas Jay ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (sale of illegal drugs), habang sina alyas Michael at Archie ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (possession of illegal drugs) ng Republic Act 9165 o nag Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri din ni Arceo ang mga operatiba na nagsagawa ng operasyon na nagpapatunay lamang na pinagtitibay ng SPD ang kampanya laban sa ilegal na droga.
“This successful operation is a clear testament to our relentless fight against illegal drugs. We remain steadfast in protecting our communities, especially the youth, from the dangers of these substances. The Southern Police District will continue to pursue and apprehend those who attempt to destroy lives through illegal drugs,” ani Arceo. (James I. Catapusan)