Home NATIONWIDE OP nagpaabot ng P25M tulong sa mga apektado ng pagputok ng Kanlaon

OP nagpaabot ng P25M tulong sa mga apektado ng pagputok ng Kanlaon

265
0

MANILA, Philippines — Umabot sa P25 milyon ang ipinagkaloob na tulong pinansyal ng Office of the President (OP) sa 5,000 residente mula sa pitong bayan at lungsod sa Negros Occidental na naapektuhan ng mga pagputok ng Bulkang Kanlaon noong nakaraang taon.

Ayon sa Presidential Action Center (PACe), tumanggap ng tig-P5,000 ang bawat benepisyaryo sa isinagawang Presidential Help Desk on Wheels nitong weekend sa La Carlota City at La Castellana.

Nabigyan ng ayuda ang mga taga-La Carlota City, Bago City, at La Castellana (1,500 bawat isa); Pontevedra (300); San Carlos City (100); at Murcia at Moises Padilla (50 bawat isa).

“Layunin po ng programang ito na magbigay ng direkta at konkretong tulong sa ating mga kababayan naapektuhan ng nakalipas na kalamidad,” ani PACe Director Ryan Joseph Sarte.

Nagpasalamat si La Carlota Mayor Jose Luis Jalandoni at La Castellana Mayor Añejo Nicor kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibinigay na ayuda.

Kasalukuyan pang nananatili sa evacuation center ang 61 pamilya mula La Castellana na nakatira sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone, ngunit inaasahang maililipat sa relocation site na bibilhin ng pamahalaang panlalawigan.

Naitala ang malalakas na pagsabog ng Kanlaon noong Hunyo 3 at Disyembre 9, 2024. Matapos ibaba ang alert level mula 3 tungong 2 noong Hulyo 29, nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang humigit-kumulang 1,300 pamilya o 4,000 katao.

Noong Abril, bumuo si Marcos ng National Task Force Kanlaon para pangasiwaan ang mga programa sa relokasyon, rehabilitasyon, at muling pagbangon ng mga apektadong komunidad. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here