MANILA, Philippines – Natuklasan ng Department of Agriculture (DA) ang mga substandard at maging mga ‘ghost’ na farm-to-market roads (FMRs) sa Davao Occidental at Zamboanga del Norte, batay sa nagpapatuloy na audit ng mga proyektong itinayo noong 2021 at 2022 sa ilalim ng DPWH.
Sa Davao Occidental, nadiskubre ang mga “ghost” FMRs o mga kalsadang iniulat na tapos ngunit wala naman sa aktuwal. Sa Zamboanga del Norte, isang kalsada ang ginawa ngunit walang semento kaya hindi magamit.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, iniulat na ito kay Pangulong Marcos at posibleng nagmula sa nakaraang administrasyon ang problema.
Inilunsad ang audit noong Setyembre 18 kasabay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Target ng DA ang 131,000 km na FMRs ngunit may backlog pang 61,000 km. Para sa 2026, ₱16 bilyon ang nakalaan para sa 1,067 km na kalsada—malayo sa ₱56 bilyong hiling ng ahensya—bagaman inaasahan pa ang dagdag na ₱40 bilyon mula sa nailipat na pondo ng flood control. Santi Celario