MANILA, Philippines – MAGSASAMPA ng kriminal na reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga pampublikong opisyal at contractor na umano’y sangkot sa anomalya ng flood control na napatunayang may paglabag sa buwis.
Sinabi ito ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa ambush interview sa mga mamamahayag matapos makipagpulong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa tanggapan nito sa Taguig City nitong Martes.
Ayon kay Lumagui, nakikipag-ugnayan ang BIR sa ICI at iba pang ahensya ng gobyerno para imbestigahan ang mga opisyal at contractor ng gobyerno na pinangalanan sa flood control probe para sa posibleng tax evasion.
Aniya, maaaring isampa ang unang reklamong kriminal ngayong linggo o sa susunod, dahil patuloy ang pag-iipon ng ahensya ng komprehensibong ebidensya laban sa ilang personalidad.
Binanggit din ni Lumagui na mayroon nang ilang personalidad na maaaring magsilbing complainant sa mga kasong plano nilang ihain.
Nang tanungin kung magkano ang buwis na hinahabol ng BIR mula sa mga personalidad na umano’y sangkot sa anomalya sa flood control, sinabi ni Lumagui na maaari itong umabot sa bilyong halaga.
Ayon sa kanya, ang mga mapatunayang mananagot sa tax evasion ay mahaharap sa mga parusa, kabilang ang pagbabayad ng deficiency taxes, at maaari ding makulong depende sa halagang hindi nabayaran.
“Una, kukunin natin ang deficiency tax — ang halagang dapat nilang bayaran,” ani Lumagui.
“Pangalawa, kapag napag-alaman na may criminal intent, tulad ng panloloko, sasampahan din sila ng kasong kriminal for tax evasion. Kaya babayaran nila ang deficiency tax at haharap sila sa criminal complaint,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon kay Lumagui, kung iuusig ng Kagawaran ng Hustisya ang kaso, maaaring kabilang sa parusa ang pagkakulong, kung saan maaaring umabot sa higit 10 taon sa bilangguan ang mga mapapatunayang hindi nagbayad ng buwis na aabot sa bilyong halaga. Jay Reyes