MANILA, Philippines – Arestado ang isang 44-anyos na ginang matapos maaamsaman ng nasa kalahating milyong pisong halaga ng iligal na droga sa isinagawang anti drug buy-bust operation ng awtoridad sa Barangay San Mariano, San Antonio, Nueva Ecija.
Ang suspek na residente ng Barangay Pias, General Tinio, Nueva Ecija ay sinasabing dumayo lamang umano sa lugar para magbenta ng shabu.
Base sa report ni Police Major Ricardo M. Solomon, hepe ng San Antonio Police Station kay Nueva Ecija PNP director, PColonel Heryl Bruno, naaresto ang suspek nang mangpanggap na buyer ang isa sa mga operatiba para bumili ng iligal na droga sa ginang, gamit ang marked money.
Pagdating sa lugar ay agad na inabot ng suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Pagkahawak sa marked money ay dito na tumakbo papalapit ang iba pang operatiba at agad na dinampot ang suspek. Nakuha sa kanyang posesyon ang siyam na sachet na naglalaman ng shabu.







