Home TOP STORIES House Committee hinikayat ang COA na busisiin ang 2024 BARMM fund 

House Committee hinikayat ang COA na busisiin ang 2024 BARMM fund 

126
0

Quezon City — Hinimok ng House Committee on Public Accounts ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng masusing audit kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng P6.4 bilyong pondo mula sa 2024 Local Government Support Fund (LGSF) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Batay sa Committee Report No. 1502, iminungkahi ng komite ang isang “specialized forensic investigation” upang masuri kung may mga paglabag sa batas na posibleng naganap sa proseso ng paggastos ng pondo.

Ayon sa ulat, layunin ng imbestigasyon na malaman kung maayos na nagamit ang naturang pondo, na inilabas umano sa loob lamang ng apat na buwan noong 2024.

Binigyang-diin ng komite na kinakailangan ng COA ang mas malalim na pagsusuri dahil sa mga alegasyong may “systematic scheme to redirect public funds.” Bahagi ng rekomendasyon nito ang masusing pagbusisi sa tinatayang P1.5 bilyong disbursement bawat buwan na inilabas sa nasabing panahon.

Tinukoy din sa ulat na may mga testimonya mula sa ilang lokal na opisyal na nagsabing nakatanggap sila ng mga pondo para sa mga proyektong hindi nila hiningi, at may ilan umanong naatasang isauli ang halagang natanggap dahil hindi natuloy ang mga proyektong iyon.

Dagdag pa rito, sinabi ng komite na dapat ding siyasatin kung may political favoritism sa paglalaan ng pondo sa ilang Local Government Units (LGUs) at barangay, partikular sa mga pinaniniwalaang kaalyado ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).

Nilinaw naman ng mga mambabatas na ang kanilang rekomendasyon ay hindi pa nagtatakda ng pananagutan sa sinuman, kundi isang hakbang upang matukoy ang buong katotohanan at masiguro ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng BARMM. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here