MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang “palakasan” system na mangyayari sa farm-to-market road projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang maiwasan ang mga ghost projects.
Sinabi ito ni Pangulong Marcos matapos pangunahan ang inagurasyon ng Union Water Impounding Dam sa Barangays Union at Cadcadir sa Claveria, Cagayan.
Ang proyekto ay alinsunod sa layunin ng administrasyon na paghusayin ang resilience at sustainability ng irrigation system sa bansa.
Sa kanyang mensahe sa harap ng mga magsasaka, sinabi ng Pangulo na gumawa na ang administrasyon ng farm-to-market road plan na may layuning tiyakin ang food security sa bansa.
“Pupuntahan din natin ang mga mayor natin, ang mga governor para itanong kung ‘yung plano namin ay maganda, kung tama ang dinadaanan ng farm-to-market roads, kung ano ‘yung suggestion nila,” ani Pangulong Marcos.
“At ‘yun ang sinusunod natin na plano eh, hindi lang ‘yung kagaya dati na palakasan lang, ‘yung nakikiusap lang, oh lagyan ko ng farm-to-market ito… Pag medyo kaibigan, pag medyo kapartido, oh sige approved. Walang plano. Kung minsan kung saan-saan napupunta ang farm-to-market roads eh. Hindi naman ito nakakatulong sa ating mga magsasaka,” aniya pa.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang ₱105 milyong halaga ng ghost farm-to-market road projects sa Mindanao ay iimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa DA, may pitong “ghost” farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng ₱105 milyon na dapat ay natapos mula 2021 hanggang 2023. Nakatuon ang audit ng ahensya sa mga FMR projects na napaulat na kumpleto na ngunit walang makita o mahanap na aktuwal na proyekto.
Samantala, nakipagtulungan na ang National Irrigation Administration (NIA) sa DPWH sa ilalim ng convergence program na tinawag na “Katubigan” o Kalsada Tungo sa Patubigan Program, na naglalayong paghusayin ang irrigation service roads at magbigay ng karagdagang suporta sa lokal na agrikultura.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ng programa ang Construction of Small Reservoir Impounding Project (SRIP) sa Claveria, Cagayan, na tumutugon sa mga mahalagang pangangailangan sa imprastruktura at mga hamong pangkapaligiran. (Kris Jose)