MANILA, Philippines – “Sabihin ang buong katotohanan o huwag nang magsalita.” Ito ang apela ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa mga aplikante ng Witness Protection Program (WPP) na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Pakiusap ni Fudollon sa isang panayam, “huwag na mag-alinlangan at sabihin natin lahat ang mga impormasyon.”
Aniya kung magtatago sila ng impormasyon ay mawawala ang kanilang kredibilidad.
Ayon pa kay Fadullon, kung mamimili o selective lamang ang sasabihin — mas maigi pang huwag na lamang silang magsalita dahil hindi magiging kapani-paniwala sa kanila at sa husgado.
Ipinaalala rin ni Fadullon na boluntaryo ang paglahok sa WPP at walang sinumang pinipilit.
“Hindi po kami ang tumawag sa kanila. Sila ang lumapit sa amin.” dagdag pa ni Fadullon. Jocelyn Tabangcura-Domenden