AYAW na umanong maki-cooperate ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure na nag-iimbestiga sa pinakamalaking korapsyon sa gobyerno, partikular sa imprastraktura, kasama ang sa flood control projects.
Tiyak na may malalalim na dahilan ang mga Discaya at ibang usapin pa ang mga sinasabi ng mga kontektado sa ICI at kuro-kuro ng iba na dahilan ng kanilang pag-atras sa “tell-all” sa imbestigasyon.
Kung anoman ang ibang malalalim na usapin, sila lang ang nakaaalam.
Pero sana, hindi mahaluan ito ng matitinding pressure na nakaumang pati sa kanilang seguridad, lalo na sa kanilang buhay.
Pero hindi imposibleng mas gusto nila ang makulong kaysa hahantong lahat sa higit na mapanganib na kalagayan.
ICI BUNGAL?
Sa ligal na usapin, na-expose umano ang kahinaan ng ICI sa kaso ng mga Discaya.
May kulang sa kapangyarihan umano ang ICI bilang investigating body, kabilang na ang contempt powers.
Kitang-kita ang gamit ng contempt powers sa kamay ng mga korte, Kamara at Senado.
Kapag hindi ka sumunod sa kautusan ng korte, Kamara at Senado, tiyak na susunod dito ang mga paglalabas ng mandamiento de aresto o warrant of arrest at hahanapin ka ng mga pulis, taga-National Bureau of Investigation at iba pa para humarap ka sa mga nag-isyu ng mga ito.
Walang ganitong kapangyarihan ang ICI.
Kaya naman, nakikita nang nagiging inutil ang ICI at kung ganoon, ano pa ang dahilan para magpatuloy ito bilang investigating body?
Maaaring isang ibubunga ng trabaho nito ang hilaw na imbestigasyon at kung hindi maganda ang naipon nitong mga ebidensya para sa irerekomenda nitong mga kaso sa Ombudsman, Department of Justice at mga korte, saan kaya patutungo ang mga kaso?
Mabuti pang ipasakamay na lang sa Ombudsman o sa DOJ ang pag-iimbestiga patungo sa mga kasong kriminal, administratibo at sibil.
Kasabay nito ang imbestigasyon ng gaya ng Senado para sa pagbubuo ng mga kaukulang batas laban sa napakalalang korapsyon o katiwalian.
Depende sa mga salita ng ilang inhinyero ng Department of Public Works, may 10% kikbak noong panahon ni ex-President Noynoy Aquino at lumaki ito sa 15% noong panahon naman ni ex-President Digong Duterte at lumundag sa 25-30% ngayong panahon naman ni Pres. Bongbong Marcos.
Hindi natin sinasabing kumikbak sina Noynoy, Digong at Bongbong ngunit ganyan katindi ang korapsyon o pandarambong.
Paano magkakaroon ng maganda at epektibong trabaho ang ICI kung wala itong sapat na kapangyarihan upang tuntunin ang paglala ng pagnanakaw sa gobyerno?
Kung mananatiling bungal ang ICI lalo na laban sa malalaki at lumaking mga buwaya sa gobyerno, ano pa ang silbi nito?
PULITIKA ISANTABI
Isa pang usapin ang dapat na bigyan ng pansin dito.
Hindi dapat na mapulitika ang isyu ng korapsyon at pandarambong.
Dapat hahantong ito sa hustisya at pagsasauli ng mga nakaw na yaman sa mga mamamayan na magbubunga ng magandang kapalaran ng lahat.
Ngunit kung higit na nauugnay ang lahat sa presidential elections sa 2028, saan hahantong ang laban sa napakatinding katiwalian na ikinahihirap ng pamahalaan at mamamayan?