Home OPINION 6 SA 10 PINOY, GALIT SA KORAPSYON – OCTA RESEARCH

6 SA 10 PINOY, GALIT SA KORAPSYON – OCTA RESEARCH

368
0

IPINAKITA ng pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na ka­ramihan ng mga Filipino ay lubos na nagngingitngit sa isyu ng malawakan at sistematikong katiwalian sa mga proyekto sa flood control at nananawagan ng masusing imbestigas­yon laban dito.

Ayon sa survey na isi­nagawa sa buong bansa mula Setyembre 25 hanggang Setyembre 30, 2025, anim sa bawat sampung Filipino o nasa 60% ang nagsabing nakakaramdam sila ng galit o matinding pagkainis kapag naiisip ang korapsyon sa pamahalaan, lalo na sa mga flood control projects. Samantala, nasa 30% ang nagsabing sila ay natatakot o nababahala, at 9% naman ang nagsabing sila ay nadidismaya o nalulungkot.

Ipinakita ng resulta na ang galit ang nangingiba­baw na emosyon sa lahat ng rehiyon, antas ng lipu­nan, at grupo ng edad. La­long kapansin-pansin ang emosyong ito sa mga kabataang Filipino, partikular sa mga kabilang sa Gene­ration Z at Millennials.

Sabi pa ng OCTA Research, ang matinding reak­syong ito ay nagpapakita ng patuloy na pagkadismaya ng publiko sa maling paggamit ng pondo ng bayan sa mga proyektong pang-imprastruktura, at maaaring senyales ng bumababang tiwala ng mamamayan sa integridad ng mga institusyong pampamahalaan.

Dagdag pa ng OCTA, ang sabay na pagpapahayag ng moral outrage at pag-aalala ng publiko ay pa­tunay ng lumalakas na panawagan para sa pana­nagutan, transparency, at mabilis na aksyon mula sa pamahalaan.

Sa usapin ng kung sino ang dapat manguna sa imbestigasyon, lumabas sa survey na pinakamarami o 35% ang nais ng isang independent commission na mamuno rito, habang 23% ang pabor sa Senado at 13% naman sa House of Representatives.

Batay sa survey, ito ang limang pangunahing re­sulta na nais makita ng mga Filipino:
1.   Panagutin ang mga tiwaling opisyal at kontraktor, 68%;
2. Mabawi ang mga na­wala o maling nagamit na pondo ng bayan, 58%;
3. Makulong ang mga mapapatunayang nagkasa­la, 58%;
4. Masiguro ang maa­yos at de-kalidad na implementasyon ng mga flood control projects, 41%;
5. Palakasin ang transparency at monitoring ng mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan, 34%.

Sabi pa ng OCTA Research, umaasa rin ang mga Filipino sa konkretong reporma, kabilang ang mas epektibong pagpapatupad ng mga dekalidad na proyekto at pagpapa­lakas ng transparency upang maiwasan ang mu­ling pag-abuso sa pondo ng bayan.

Dagdag pa ng grupo, “Ang mga natuklasan ay ma­linaw na mandato mula sa publiko, hindi lamang nila nais na mabunyag ang katiwalian, kundi hinihiling nila ang katarungan, reporma, at pangmatagalang solus­yon upang mapanatili ang integridad ng pamahala­an at ng mga programang pang- imprastruktura.”

Ang datos ng Tugon ng Masa survey ay nakalap sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino na may edad 18 pataas. Mayroon itong ±3% margin of error sa 95 porsyento confidence level.

Isinagawa ang pagta­tanong ilang araw matapos ang malakihang pagtitipon kontra korapsyon sa Rizal Park at sa EDSA People Power Monument noong Setyembre 21, 2025, at iba pang mga pag­kilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here