Home OPINION SINONG NAGPALOBO NG UNPROGRAMMED FUNDS?

SINONG NAGPALOBO NG UNPROGRAMMED FUNDS?

348
0

GALIT na galit ang taumbayan sa mga lumalabas na anomalya sa 2025 national budget. Nakagagalit naman talaga, lalo nang naglabasan ang naglalakihang halaga ng salapi na pinaghahati-hatian. Pero alam n’yo ba na matagal nang lumolobo ang paggamit ng unprogrammed funds—mga pondong hindi nakapaloob sa original na budget ng gobyerno? Nagsimula ang trend na ito noong 2023, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez?

Ayon sa Department of Budget and Management, nagsimulang tumaas ang halaga ng unprogrammed appropriations noong 2023. Mula ₱251.6 bilyon noong 2022, lumobo ito sa ₱807.1 bilyon noong 2023, at bahagyang bumaba sa ₱731.4 bilyon noong 2024. Malinaw na tumaas ang paggamit ng unprogrammed funds noong 2023 at 2024, ang mga taon kung kailan si Romualdez na ang Speaker.

Ayon sa DBM, ang unprogrammed funds ay standby allocations na maaaring magamit lamang kapag may excess revenue. Sinasabi ng ilang opisyal na ito’y mahalaga para sa mabilisang disaster response at social programs. Pero ayon sa mga kritiko, nagiging “backdoor insertion” ito. Nagiging paraan para makapagpasok ng pondo sa mga proyekto kahit walang malinaw na basbas ng Kongreso.

Ang 2025 budget ay planong ipatupad hanggang 2026, lalo sa mga multi-year infrastructure projects at programang sakop ng unprogrammed funds. Maraming allocation ngayon ang magpapatuloy pa ang paggasta sa susunod na taon, kaya may mga pangambang maaaring gamitin ang mga pondong ito para sa political leverage sa local officials at mga distrito.

Hindi maaaring ihiwalay sa lahat nang ito ang pangalan ni Speaker Romualdez. Bilang pinuno ng mababang kapulungan, siya ang may pinakamalakas na impluwensya sa pagbuo at pag-apruba ng national budget. Sa ilalim ng kanyang liderato, naging madalas ang reklamo sa insertions, realignments, at allocation sa mga pinapaborang distrito.

 Kung seryoso ang pagbubunyag sa mga anomalya at pagwaldas sa pera ng taumbayan, kailangan matunton ang puno’t dulo ng lahat. Simulan kung saan nagsimula ang lahat. Silipin ang 2023 at 2024 national budget, kung saan nagsimula ang mga sistemang ito. Sino ang nagpasimula ng ganitong paggamit ng unprogrammed funds at sino ang tunay na nakinabang?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here