Home OPINION TAKOT SA KATOTOHANAN

TAKOT SA KATOTOHANAN

266
0

MULING umalingawngaw ang mga lumang eksena sa pulitika — mga opisyal na biglang nagkakaroon ng “sakit” tuwing haharap sa imbestigasyon. Pinakabago rito sina Rep. Martin Romualdez at Rep. Zaldy Co, na kapwa humiling na ipagpaliban ang kanilang pagharap sa Independent Commission for Infrastructure dahil umano sa mga “medical procedures.”

Ang timing, gaya ng dati, ay kaduda-duda. Parang teleserye na paulit-ulit ang script. Nauna nang ginamit ang ganitong eksena sa pulitika— si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na lumabas sa publiko na may ‘neck brace’ at naka-wheelchair sa gitna ng kasong plunder; si dating Chief Justice Renato Corona, na dumating din sa Senado na naka-wheelchair at may brace sa leeg habang ini-impeach; at si dating Bamban Mayor Alice Guo, na biglang nawala sa gitna ng imbestigasyon tungkol sa POGO operations.

Ngayon, tila nauulit na naman sa ICI hearings. Si Romualdez, dating Speaker ng Kamara, ay humiling ng postponement ng kanyang hearing na nakatakda sana sa Oktubre 22 dahil daw sa isang “medical procedure.” Parang naging template na ng pagtakas sa pananagutan. Kapag guilty ba, matic na magkakaroon ng ‘medical procedure’?.

Walang malinaw na detalye kung anong klaseng procedure ito, o kung kailan siya tuluyang haharap. At sa bigat ng mga isyung kinakaharap ng mga mambabatas na ito — mula sa mga anomalya sa pondo hanggang sa umano’y kickback schemes sa Department of Public Works and Highways projects — hindi naman siguro pagmamalabis ang pag-usisa sa ganitong dahilan. Nauna na sa script na ito si Rep. Zaldy Co, na kabilang din sa mga pinatawag ng ICI. Ginamit ang parehong dahilan, komo ‘health concerns’ daw. At kung pamilyar na ang script, baka dahil iisa lang din ang nagsulat.

Kumpara mo naman ito sa mga inosente na sinampahan nila ng imbentong reklamo, pero matapang na hinaharap ang mga kaso. Yung iba nga, walang abogado, walang koneksyon, pero diretsong humaharap sa korte. Pero sila, kapag pinatawag ng ICI, biglang may “karamdaman.”

Si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo naman ay dalawang beses nang humiling ng postponement sa ICI: una, dahil sa “paghahanda ng dokumento,” at ngayon naman, dahil sa diumano’y karamdaman din. Pero, tulad nina Romualdez at Co, walang malinaw na detalye. Kumita na ‘yan mga ganyang eksena!

Samantala, ang mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya, na unang nag-cooperate sa ICI, ay biglang umatras. Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, tumigil ang Discayas sa pakikipagtulungan matapos marinig sa isang panayam si Commissioner Rogelio “Babe” Singson na nagsabing wala pang sinoman ang na-qualify bilang state witness. Ang dahilan ng Discayas: “Kung ganun, wag na lang kami.” Pwede pala yun?

Ang tanong ngayon: paano uusad ang imbestigasyon kung ang mga pangunahing pangalan ay biglang nagkasakit, umaatras, o tumangging humarap? Alalahanin na walang contempt powers ang ICI — subpoena lang ang kaya nitong ibigay. Tila lumalabas na sa pulitika, ang “karamdaman” ay hindi lang pisikal — madalas, sintomas ito ng takot sa katotohanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here