Home HOME BANNER STORY Wellness break idineklara ng DepEd mula Oktubre 27 ‘gang 30

Wellness break idineklara ng DepEd mula Oktubre 27 ‘gang 30

305
0

MANILA, Philippines – Nagdeklara ang Department of Education (DepEd) ang wellness break para sa mga guro at mag-aaral mula Oktubre 27 hanggang 30, 2025 para magbigay-daan na makapagpahinga ang mga ito bago ang pagsasagawa ng kanilang midyear In-Service Training (INSET).

“Sa linggo-linggo nating pagbisita sa mga paaralan, naririnig namin ang panawagan ng ating mga guro. Minabuti na natin na mabigyan sila ng oras para magpahinga at magkaroon ng dagdag na oras kasama ang kanilang pamilya,” saad sa pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

Aniya, maraming mga guro at estudyante rin ang apektado ng mga nagdaang bagyo, lindol at mga outbreak ng sakit.

“Marami sa ating mga guro at mag-aaral ay galing sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at lindol o may mga kaso ng trangkaso. Kaya sabi nga natin, konting pahinga muna. Mas makakapagtrabaho tayo nang maayos kung maayos din ang pakiramdam natin,” ani Angara.

Ang wellness break ay nag-modify ng mga probisyon sa ilalim ng DepEd Memorandum–Office of the Undersecretary for Learning Systems–2025-095, angkop sa Department Order No. 12, s. 2025, na naglalatag ng school calendar sa kasalukuyang academic year.

Sinabi rin ng ahensya na ang hakbang na ito ay nagpapalakas sa kanilang commitment na unahin ang kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral, kung saan kailangan umano ang pahinga upang makapagbigay ng mas maayos na kalidad ng edukasyon.

Para sa mga paaralan at division na nakapagbayad na para sa mga venue at pagkain sa scheduled INSET sa panahon ng wellness break, sinabi ng DepEd na ang training ay maaaring ma-reschedule at magamit sa ibang bagay ang pondo.

Kung hindi maaari ang rescheduling, maaaring magtuloy ang aktibidad voluntarily.

Ang mga guro naman na lalahok dito ay exempted sa pagdalo ng mga kaparehong training sa ibang panahon ng school year.

Pinapayagan din ang mga paaralan na i-adjust ang kanilang academic schedules sa pakikipag-ugnayan sa kanilang Schools Division Offices (SDOs) and Regional Offices (ROs).

Iginiit ng DepEd na ang INSET at iba pang professional development programs ay itutuloy pa rin sa mga nalalabing araw ng School Year 2025–2026.

Ang regular na klase ay magbabalik sa Nobyembre 3, 2025 kasunod ng All Saints’ Day at All Souls’ Day holidays. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here