Home SPORTS China durog sa Alas Pilipinas U-18 sa Bahrain

China durog sa Alas Pilipinas U-18 sa Bahrain

292
0

Patuloy na gumagawa ng ingay ang Alas Pilipinas U18 matapos talunin ang powerhouse na China sa pagsisimula ng classification phase para sa quarterfinals ng 3rd Asian Youth Games sa Manama, Bahrain.

Walang kahirap-hirap na winalis ng mga Filipina ang Chinese team, 25-20, 25-18, 25-20, upang itabla ang kanilang rekord sa 1-1 sa Pool F sa ikalawang yugto ng preliminaries na ginanap sa Isa Sports City.

Kasama ng Pilipinas sa Pool F ang Thailand, China, at Hong Kong. Bitbit ng Alas U18 ang kanilang first round loss sa Thailand, 25-21, 25-18, 25-14, bilang bahagi ng rekord sa susunod na yugto ng torneo.

Bago ito, nakasama ng Pilipinas ang Thailand at South Korea sa Pool D, kung saan tinalo ng Alas U18 ang mga Koreano sa isang mahigpit na limang set na laban, 25-21, 19-25, 25-22, 22-25, 15-10, upang makapasok sa second round.

Ayon sa team captain na si Harlyn Serneche ng NU-Nazareth School, malaking tulong sa kanilang kumpiyansa ang panalo laban sa South Korea.

May posibilidad silang makapasok sa Top 2 ng pool at umabante sa quarterfinals kung saan posibleng makaharap nila ang Iran o Indonesia mula sa Pool E.

Binubuo ang Alas Pilipinas U18 ng mga pangunahing manlalaro ng NU Lady Bullpups na nagwagi sa UAAP Season 87 at Palarong Pambansa, kabilang sina Ysabella Cruz, Rihanna Cris Navarro, Atasha Anne Doroia, at bagong miyembro na si Sam Cantada, na itinanghal na UAAP MVP noong nasa Adamson pa. JC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here