MANILA, Philippines – Inabswelto ng Sandiganbayan Special Third Division nitong Biyernes, Oktubre 24 sina dating Senate President at incumbent Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dati nitong chief-of-staff na si Jessica “Gigi” Reyes, Janet Napoles, at iba pa kaugnay sa 15 counts ng graft sa umano’y maling paggamit ng P172 milyong pork barrel ng dating mambabatas.
Sinabi ng Sandiganbayan na bigong mapatunayan ng prosekusyon na ang mga akusado ay ‘guilty beyond reasonable doubt.’
Binuo ang Sandiganbayan Special Third Division mula nang mabago ang sitwasyon ng mga orihinal na miyembro ng Sandiganbayan Third Division.
Nagretiro na sina dating Sandiganbayan Third Division members and Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez. Tanging si Sandiganbayan Third Division Associate Justice Ronald Moreno na lamang ang nanatili hanggang sa promulgation nitong Biyernes.
Kabilang sa mga miyembro ng Third Division sina chairperson at Associate Justice Karl Miranda, na nag-inhibit mula sa kaso ni Enrile dahil dati na niyang hinawakan ang kaso ni Enrile nang siya ay bahagi pa ng Office of the Solicitor General.
Dahil dito, ibinilang ng Sandiganbayan Special Third Division si Associate Justice Juliet San Gaspar para punan ang pwesto ni Miranda at ni Associate Justice Arthur Malabaguio para naman punan ang bakante bilang Sandigabayan Special Third Division members.
Dahil sa desisyon ng korte, lahat ng hold departure orders na inisyu ng Sandiganbayan sa mga akusado ay inalis na.
Dumalo sa promulgation online sina Enrile at Napoles, habang personal din na dumalo si Reyes kasama ng iba pang akusado.