MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na igalang ang desisyon ng Sandiganbayan na ipawalang-sala si dating Senate President Juan Ponce Enrile at mga kapwa akusado nito sa 15 counts ng graft ukol sa di umano’y maling paggamit ng P172 million in Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pagpapawalang-sala kay Enrile at sa mga kapwa akusado nito ay paglalarawan sa pagsunod sa legal standards, at hindi sa governmental leniency.
“Nagsalita na ang korte, so igalang natin. Igalang po natin kung ano ang desisyon ng korte,” ang sinabi ni Castronang hingan ng komento.
Si Enrile ay kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Castro na ang Malakanyang ay “bound by the principle of separation of powers”, kinikilala ang independensiya ng hudikatura.
“Papaano po tayo makakapagbigay ng anumang impluwensiya sa korte? Korte po iyan, may separation of powers at kailangan po nating igalang kasi kapag hindi po natin ginalang ang mga desisyon ng korte magiging chaotic country po tayo. So, mahirap po ‘yun. Dapat nating pagtiwalaan ang ating justice system,” aniya pa rin.
“Ang Pangulo, ang gusto niya kapag nagsampa ng kaso hindi mabilisan, dapat kumpleto ang ebidensya dahil kapag nagkataon kaunti lamang pagkakamali especially criminal case ito any doubt at kapag hindi po naakusahan or nagkaroon ng judgment beyond reasonable doubt talaga pong magkakaroon ng acquittal,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, tuluyan nang pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Enrile sa kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.
Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan, kinumpirma ang pag-absuwelto kay Enrile, pati na rin sa kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes.
Matatandaang noong 2015, pinayagan si Enrile ng Korte Suprema na makapagpiyansa sa kadahilanang pang-humanitarian, isang kontrobersyal na hakbang na isinulat ni dating Chief Justice Lucas Bersamin.
Sa kanilang motion for reconsideration, iginiit ng mga tagausig ang testimonya ng mga pangunahing saksi na sina Benhur Luy at Ruby Tuason.
Gayunpaman, nanindigan ang Sandiganbayan na kulang ang ebidensya upang patunayan ang sabwatan at paglustay ng pondo na kinakailangan sa isang kaso ng plunder.
Sa pagkakaabsuwelto ni Enrile, kumpleto na ang trio ng mga dating senador na nasangkot sa pork barrel scam na napawalang-sala, na kinabibilangan nina former Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada.
Sa buong proseso, si Enrile lamang ang hindi nakaranas ng aktwal na pagkakakulong, bagkus ay nanatili sa hospital arrest bago nabigyan ng pansamantalang kalayaan.
Ngayong paglabas ng desisyon ay nasa ospital si Enrile, kung saan naka-monitor lamang siya sa pamamagitan ng video conference. (KRIS JOSE)