MANILA, Philippines – Limang weather system, kabilang ang low-pressure area (LPA) at amihan, ang nagdudulot ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes.
Ayon sa 5 a.m. advisory, ang LPA ay nasa 275 kilometro silangan ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan. Mababa umano ang posibilidad nitong maging bagyo ngunit nakapaloob ito sa intertropical convergence zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Magdadala ang ITCZ ng mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Negros Island Region, Central at Eastern Visayas, at Dinagat Islands. Uulanin din ang Batanes dahil sa amihan, na opisyal nang idineklara ng PAGASA, hudyat ng mas malamig at tuyong panahon.
Apektado rin ng easterlies ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon na makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at paminsan-minsang pag-ulan.
Asahan ang katamtaman hanggang malakas na hanging amihan at maalon na dagat sa dulong hilagang Luzon, habang banayad hanggang katamtaman naman sa iba pang bahagi ng bansa. RNT