MANILA, Philippines – Pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) ang isang barangay sa Bacolod City para sa isang pottery kiln na nagkakahalaga ng P2.9 milyon bilang suporta sa pottery industry nito.
Kasabay ng HANDA Pilipinas 2025 Visayas Leg, ipinakilala ng DOST ang bagong 2-cubic-meter shuttle-type kiln na nilikha ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng P2,972,916 grant sa Barangay Pahanocoy, Bacolod.
Ang grant ay ipinamahagi sa 33-person Katilingban sang Mininihon sang Pahanocoy (KAMIPA), kung saan ang mga kabuhayan nito ay nakadepende sa terracotta pots.
“Napakalaki pong tulong nito sa amin kasi naranasan namin na zero-visibility yung daan namin dahil sa usok. Sa ngayon, nag-try na kami nito at maraming salamat sa DOST na natulungan yung pottery makers namin dito. Dahil dito, may plano pa kami na ilaganap yung production ng pots dito sa Barangay Pahaconoy,” sinabi ni Pahaconoy punong Barangay Yolanda Noble.
“Yung dati nilang technique hanggang 300°C to 400°C lang, hindi pa naaabot ng pots yung tinatawag na calcination point na namo-modify yung structure ng clay… Pag naabot mo yon, quality talaga siya. Yung advantage nito [ng kiln] dahil more than 1000°C siya, they can produce other better-quality products… Depende sa materials we can source,” ayon naman kay DOST Negros Island Region Director Engineer Rowen Gelonga.
Samantala, tumulong din ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay sa KAMIPA ng covered facility kung saan pauunlarin ang pottery industry. RNT/JGC