NUEVA VIZCAYA, Philippines – Bumagsak sa kamay ng alagad ng batas ang tatlong lalaki at 20-anyos na misis na kasama pa ang tatlong taong gulang na anak sa itinuturing na drug den sa District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya, kagabi.
Sa mandato at direktiba ni Regional Director Gil Ceasario Castro ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 02 sa pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs ay nahuli ang apat na katao kabilang ang isang misis sa pamumuno ni Rosario Abella, Investigation Agent V ng PDEA Nueva Vizcaya kasama ang PDEU at PDEG ng nasabing lalawigan.
Una rito, nagbenta ang isa sa mga suspek ng .5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 3,400 piso sa nagpanggap nilang buyer.
Masangsang na amoy ang sumalubong sa mga operatiba ng PDEA at PNP sa bahay kung saan naganap ang transaksiyon dahil katatapos lamang umano ng mga suspek na gumamit ng ipinagbabawal na droga.
Nasa loob pa mismo ng kwarto ang batang lalaki na mahimbing na natutulog habang gumagamit umano ang kanyang mga magulang.
Ayon kay Agent Abella, tumakas ang lalaking suspek at naiwan ang kanyang mag-ina kasama ang tatlong lalaking naaresto.
Maliban sa nabili, walong sachets pa ang narekober mula sa lugar ng insidente gayun din ang iba’t ibang drug parapernalia.
Nahaharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa section 5, 6, 7, 11 at 12 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pansamantala ipinasakamay sa pangangalaga ng kanyang mga kamag-anak ang batang kasama sa operasyon. (REY VELASCO)