MANILA, Philippines – Hinimok ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga negosyante at may-ari ng lupa sa kabisera ng bansa na samantalahin ang General Tax Amnesty ng lungsod at ang 20% diskwento sa maagang pagbabayad ng amilyar bago mag-Disyembre 10, 2025.
Ito ang ipinahayag ni Domagoso nang humarap ito sa mga miyembro ng Anvil Business Club sa ginanap na Anvil Exchange Forum sa The Manila Hotel.
Ayon kay Domagoso, layunin ng umiiral na amnesty program na tulungan ang mga taxpayer na malinis ang kanilang rekord habang nakatutulong sa fiscal recovery ng lungsod.
Batay sa datos, umabot na sa ₱266 milyon ang nakolektang buwis mula nang ipatupad ang programa, kung saan nakatipid ang mga nag-avail ng halos ₱113 milyon sa multa at interes.
Ipinaalala ng alkalde na umiiral pa din ang amnesty hanggang Disyembre 31, 2025 at maaari ring magbayad online sa pamamagitan ng “Go Manila” platform upang makaiwas sa pila.
Samantala, ginawaran naman ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) si Senator Bam Aquino ng Doctor of Education, honoris causa sa kanilang 57th commencement exercise.
Sa naturang seremonya kung saan siya rin ang guest of honor at speaker, nagpahayag si Aquino ng suporta sa four-point development strategy ni Mayor Isko Moreno na nakatuon sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at trabaho.
Ayon kay Aquino, tugma ito sa kanyang mga adbokasiya sa Senado gaya ng pagpapalakas sa Free College Law at sa panukalang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan.
Giit naman ni Yorme, mananatiling pangunahing prayoridad ng lungsod ang edukasyon at kalusugan, kabilang ang plano niyang itayo ang PLM College of Medicine and Allied Health Sciences.
Parehong naniniwala sina Aquino at Domagoso na ang edukasyon ang susi sa pag-unlad at pagkakapantay-pantay sa Maynila. JAY Reyes