Home NATIONWIDE SEC target magpataw ng limit sa interest rates, fees ng lending firms

SEC target magpataw ng limit sa interest rates, fees ng lending firms

311
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang magpatupad ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng mas mahigpit na limitasyon sa mga interest rate at bayarin na sinisingil ng mga lending at financing companies, bilang bahagi ng kampanya nitong labanan ang mapagsamantalang pautang at protektahan ang mga konsumer.

Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ng SEC na binuksan nito para sa public comment ang draft memorandum circular noong Oktubre 30 na nagtatakda ng bagong interest rate ceiling at iba pang limitasyon sa bayarin ng mga pautang na hindi lalagpas sa ₱20,000 at may huling bayaran sa loob ng anim na buwan.

Sasaklawin ng panukalang regulasyon ang lahat ng loan contracts na papasok, mare-restructure, o mare-renew simula Disyembre 1, 2025, maging ito man ay online o tradisyonal na transaksyon.

Ayon sa SEC, ang bagong panukala ay alinsunod sa Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act, na nagbibigay ng kapangyarihan sa Komisyon na tukuyin ang makatuwirang singil sa interes at fees ng mga financial service providers.

Una nang nagtakda ng interest rate cap ang SEC noong 2022, ngunit limitado lamang ito sa mga pautang na hanggang ₱10,000 at babayaran sa loob ng apat na buwan.

Sa bagong panukala, target ng SEC na mas iayon ang patakaran sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya habang tinitiyak na mananatiling makatarungan at kompetitibo ang mga lehitimong lending firms.

“The number of borrowers struggling under excessive interest rates has continued to grow… Through responsive policies and stronger enforcement actions, the SEC will ensure that lending practices remain fair, transparent, and aligned with consumer protection standards,” ayon kay SEC Chairperson Francis Lim.

Sa ilalim ng draft rules, itatakda ng SEC ang maximum nominal interest rate sa 6% kada buwan o 0.2% kada araw, habang ang effective interest rate ay limitado sa 10% kada buwan o 0.33% kada araw, kabilang ang lahat ng bayarin gaya ng processing, service, notarial, at handling fees.

Maaari lamang maningil ng penalty na hanggang 5% kada buwan sa mga late o hindi nabayarang loan, at ipatutupad din ang total cost cap na 100% ng kabuuang inutang, kabilang ang lahat ng interest, fees, at penalties.

Papatawan ng multa ang mga lalabag: ₱25,000 sa unang paglabag at ₱50,000 sa ikalawa para sa lending companies; at ₱50,000 at ₱100,000 naman para sa financing companies.

Sa ikatlong paglabag, maaari nang magpataw ang SEC ng multa na doble sa nauna, hanggang ₱1 milyon, kasama ang suspensyon ng operasyon sa loob ng 60 araw o pagkansela ng lisensya.

Tatanggapin ng Financing and Lending Companies Department ng SEC ang mga komento sa draft proposal hanggang Nobyembre 14. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here