Manila, Philippines- Sasabak na rin sa pagdidirek ang magaling na aktor na si Ian Pangilinan via “Patay Gutom (Dead Hungry)” katuwang ang award-winning animation director na si Carl Joseph Papa na kalahok sa 2026 CinePanalo filmfest.
Ayon kay Ian, bata lang daw siya ay pangarap na niyang makagawa ng sariling obra.
“First time po directing, writing, leading. Sobrang dream ko even as a kid. Sobrang na-overwhelm ako. Salamat sa lahat ng naniwala sa akin. Super exciting,” ani Ian sa big reveal ng CinePanalo finalists kamakailan.
Sey pa ni Ian, excited daw siya dahil first time siyang magsusulat, magdidirek at magbibida sa isang pelikula.
“I know, it’s gonna be a herculean task pero sa palagay ko naman po ay kakayanin,” pakli niya.
Mula sa pagiging aktor, gusto raw din niyang mag-level up kaya naman gusto niyang sumabak sa pagdidirek.
“Iba rin kasing challenge ito. Gusto ko rin pong mai-apply iyong mga natutunan ko sa industriya kaya I’m embarking on a new journey,” pahayag niya.
Ibinahagi naman niya ang kanyang inspirasyon sa kanyang pagdidirehe.
“My inspiration is umaabot ako sa point na tumatanda na parents. Yung hirap ako sabihin sa kanila, dito ko na lang papakita,” paliwanag niya.
Sobra rin daw siyang excited sa pakikipag-collaborate sa kanyang cast at crew.
“Sobrang exciting yung actor na I’ve looked up to for so long. I’m so excited for them, antayin niyo ang cast announcement,” hirit niya.
Hindi naman niya totally ni-reveal ang genre ng kanyang CP entry pero may suspetsa kami na ito ay magiging isang live animation dahil ka-tandem niya si Papa.
Kahit magiging busy sa pagdidirek, hindi rin daw naman nangangahulugan na iiwan na niya ang pag-arte.
“Siyempre, I’m an actor po. Doon din po ako nagsimula. I also do theater so, hindi naman po natin tatalikuran iyon,” bulalas niya.
Naging usap-usapan noon ang ginawa niyang BL series na “Gaya sa Pelikula” kasama si Paolo Pangilinan.
Open pa rin ba siya gumawa ng BL?
“It’s a role naman po. It’s part of my job as an actor. As long na maganda po iyong role at challenging,” pagtatapos niya.
Si Ian ay napansin sa kanyang pagganap sa pelikulang “Family Matters” kung saan ginampanan niya ang papel ng panganay na anak ni Nonie Buencamino.
Naging nominado siya bilang new movie actor sa nasabing MMFF movie sa 2024 Star Awards for Movies.
Maliban sa “Patay Gutom” (Dead Hungry), pasok din sa magic 7 ng full length category sa 2026 CinePanalo filmfest ang “Wantawsan” ni Joseph Abello, ” Mono No Aware” ni BC Amparado,
“Apol of My Ai” ni Thop Nazareno, “Multwoh” ni Rodina Singh, “Beast” ni Lawrence Fajardo at “Stuck on You” ni Mikko Baldoza.
Bawat isa sa kanila ay pagkakalooban ng P5 milyong pisong film grant ayon sa festival director na si Chris Cahilig. Archie Liao