MANILA, Philippines – Itinutulak ni Navotas City Congressman Toby Tiangco ang panukalang batas na magpapalakas sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang mabigyan ito ng mas malawak na kapangyarihan sa pag-imbestiga sa katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Inihain niya ang House Bill No. 5699 na naglalayong lumikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC), na magsasagawa ng pagdinig at imbestigasyon sa mga anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.
“The people demand a mechanism to ensure accountability and transparency in government infrastructure projects, which have been a constant source of corruption,” ani Tiangco. Dagdag niya, “Naiinip na ang taumbayan. Kailangan na nating bilisan ang aksyon at bigyan ng kapangyarihan ang ICAIC upang mapanagot ang mga may kagagawan ng mga anomalya, hindi lamang para sila ay makulong dahil sa pang-aapi sa ating mga kababayan, kundi para mabawi rin ang kanilang ninakaw.”
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ang ICAIC, sa pagsang-ayon ng mga kaukulang ahensya, ng kapangyarihang magsampa ng kaso, mag-isyu ng subpoena, at humiling ng preventive suspension at hold departure orders laban sa mga opisyal na pinaghihinalaan ng katiwalian. Ayon kay Tiangco, limitado ang kapangyarihan ng kasalukuyang ICI. “The proposed commission shall serve as a means to strengthen the current ICI’s capacity to effectively and efficiently prosecute cases,” ani niya.
Nilinaw niya na hindi kukunin ng ICAIC ang tungkulin ng Office of the Ombudsman o Department of Justice. “The commission’s findings and recommendations are intended to assist the Office of the Ombudsman or the Department of Justice… When the public sees that public officials are held accountable, the government can regain the people’s trust and confidence,” dagdag pa ni Tiangco. Jojo Rabulan