Home OPINION KINILALA NG DOLE SA PESO CONGRESS 2025: PINAKAMAHUSAY SA PANGANGASIWA NG PESO...

KINILALA NG DOLE SA PESO CONGRESS 2025: PINAKAMAHUSAY SA PANGANGASIWA NG PESO AT JPO

313
0

SA pagdiriwang ng 25th National PESO Congress, kinilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pi­na­kamahusay na pagganap ng Public Employment Service Offices (PESOs) at Job Pla­cement Offices (JPOs) sa pangangasiwa sa trabaho, pagsusuri at pamamahagi ng labor market information, at pagpapatupad ng career development support at iba pang prog­rama ng DOLE sa ginanap na 2024 National Search for Best PESO Awards noong ika-15 ng Oktubre 2025, sa Tagaytay City.

Pinangunahan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang seremonya ng parangal, kung saan kanyang pinuri ang PESOs at JPOs sa pagsusulong ng iisang layunin na maghatid ng napapanahon, maaasahan, mahusay, at epektibong serbisyong pampubliko para sa mga manggagawa, naghahanap ng trabaho, estudyante, at negosyo.

Mula sa 80 kalahok na si­nuri ng Bureau of Local Employment (BLE), 12 PESO at JPO ang ti­nanghal na pinakamahusay nga­yong taon.
Pinarangalan ni Undersecretary for Employment and Human Resource Development Carmela I. Torres ang mga nag­wagi para sa kanilang dedikasyon, kung saan kanyang binigyang-diin na ang kanilang trabaho ay higit pa sa istatistika.

“Lahat kayo ay nananati­ling matatag sa ating patuloy na paglalakbay na magdala ng mas magandang oportunidad sa mga Pilipino na tunay na nakapagpabago ng buhay. Bawat rehistro, bawat rekomendasyon, bawat nabigyan ng trabaho, ba­wat kabataang nagabayan sa pagsasanay, bawat tulong-pangkabuhayan, at bawat taong na­bigyan ng disenteng trabaho—ang lahat ng ito ay hindi lamang istatistika. Sila ay kuwento ng buhay na may dangal, layunin, at kahulugan,” pahayag ni Undersecretary Torres.

Nagwagi ang Lyceum of the Philippines University–Batangas para sa JPO category; PESO La­guindingan, Misamis Oriental, para sa 4th hanggang 6th class municipality category; PESO Ji­­menez, Misamis Occidental, pa­ra sa 2nd hanggang 3rd class municipality category; at PESO Talavera, Nueva Ecija, para sa 1st class municipality cate­gory.

Kinilala rin ang PESO Mati City, Davao Oriental; PESO Tarlac City, Tarlac; at PESO Biñan City, Laguna para sa Component and Independent Component City category; at PESO Iloilo City para sa Highly Urbanized City category.

Samantala, kabilang sa mga panlalawigang PESO na pinara­ngalan ay ang PESO Kalinga pa­ra sa 3rd hanggang 5th class province category; PESO Anti­que para sa 2nd class province category; at PESO Davao del Sur at PESO Bataan para sa 1st class province category.

Bawat isa sa mga nagwagi ay tumanggap ng tropeo at cash prize. Itinanghal din bilang Hall of Fame ang Lyceum of the Philippines University–Batangas JPO, PESO Iloilo City, at PESO Bataan dahil sa kanilang pagkapanalo sa Search for Best PESO ng tatlong magkakasunod na taon sa parehong kategorya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here