MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa mga flood control project sa Cebu matapos na lumubog sa baha ang lalawigan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Tinukoy ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang data Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan mayroong 343 flood control projects ang itinayo sa lalawigan mula 2016 hanggang 2022, at 168 projects ang nayari mula 2023 hanggang 2025.
Ani Castro, dalawa sa 343 flood control projects ang terminated, habang 55 mula sa 168 flood mitigation measures ang nananatiling nagpapatuloy.
“Iyan po ang dahilan kung bakit po nagpapaimbestiga ang Pangulong Marcos Jr. dahil nakita niya po iyong epekto, may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana,” ayon kay Castro.
Dahil dito, nanawagan si Castro kay Cebu Governor Pamela Baricuatro na tulungan ang national government na imbestigahan ang flood control projects sa kanyang lalawigan.
“Kaya mas maganda po, kung siya po ay nagagalit, yan din po ang nararamdaman ng Pangulong Marcos Jr., at kung mayroon pa po siyang mga alam, mga facts, mga data po si Governor para dito na mas makakatulong sa ating gobyerno para mapanagot, yan po ay welcome,” ang pahayag ni Castro.
Nauna rito, ginamit naman ni Baricuatro ang social media para ipanaghoy ang epekto ng Bagyong Tino sa kanyang lalawigan, lumubog sa malalim na tubig-baha.
“P26 billion in flood control funds for Cebu yet we are flooded to the max,” ang sinabi nito sa kanyang Facebook post, araw ng Martes.
Nanawagan din siya na irebisa ang flood control projects sa lalawigan kasunod ng ulat na matinding pagbaha sa mga lugar na may flood mitigation systems.
Samantala, sinabi ng Malakanyang na nakatakdang bisitahin ni Pangulong Marcos ang Cebu para inspeksyunin at personal na iabot ang tulong sa mga biktima ng bagyo.
“Ang Pangulo po ay handang tumulong kahit kanino. Basta po kinakailangan ng tulong ng gobyerno, kahit ano po,” ayon kay Castro. (Kris Jose)