CEBU, Philippines – Patuloy na nagsisikap ang kapulisan ng Consolacion, Cebu na matukoy ang isang babaeng natagpuang patay sa tubig-baha sa Barangay Tayud nitong nakaraang linggo, kasunod ng malakas na pag-ulan at pagbaha na dala ng Bagyong Tino.
Nitong Huwebes, Nobyembre 6, wala pang lumalapit para kunin ang bangkay, ayon sa Consolacion Municipal Police Station (MPS).
Hindi tumitigil na makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga kalapit na barangay at local government units (LGU), naglabas na rin ng mga advisory sa pamamagitan ng social media sa pag-asang mahanap ang mga kaanak ng babae.
Naniniwala ang pulisya na ang babae ay maaaring nalunod sa pagbaha na dulot ng Bagyong Tino, ngunit sinabing patuloy ang pagsisiyasat upang matukoy ang eksaktong mga pangyayari sa kanyang pagkamatay.
Ang biktima ay nadiskubre ng mga residente dakong alas-10 ng umaga noong Martes, Nobyembre 4, na palutang-lutang sa baha sa Baha-Baha, Barangay Tayud.
Natanggap ng pulisya ang ulat makalipas ang dalawang oras, alas-12:10 ng tanghali, at agad na rumesponde sa pinangyarihan.
Inilarawan ng mga awtoridad ang biktima bilang isang babae na humigit-kumulang 60 taong gulang, humigit-kumulang 4 talampakan 5 pulgada ang taas, maliit ang katawan, at walang nakikitang mga tattoo o mga marka ng pagkakakilanlan.
Itinurn-over ang bangkay sa Angga Maturan Funeral Homes sa Barangay Tayud para sa kaukulang disposisyon.
Nitong Huwebes, hindi pa nakikilala ang biktima, at patuloy na hinihintay ng pulisya ang sinumang kamag-anak na maaaring lumapit upang kunin ang mga labi.
Ang mga residenteng may impormasyon sa pagkakakilanlan ng biktima ay hinihimok na makipag-ugnayan sa Consolacion MPS sa pamamagitan ng 0998-598-6391. RNT/MND