MANILA, Philippines – Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na maghanda sa posibilidad ng super typhoon na may lawak na 1,000 kilometro na inaasahang tatama sa Luzon ngayong weekend.
“Maliban sa ating pagharap sa epekto ng Bagyong Tino, tayo rin ay naghahanda sa paparating pa na isang malakas na bagyo,” ayon sa OCD.
“Tatahakin nito ang Northern at Central Luzon, pero sa lawak nitong mahigit isanlibong kilometro, dapat ding maghanda ang Metro Manila, Southern Luzon, at iba pang mga rehiyon.”
Ayon sa PAGASA, bahagyang lumakas ang Tropical Storm Fung-Wong habang kumikilos pa-hilagang kanluran at huling namataan 1,550 kilometro sa silangan ng hilagang-silangang Mindanao. Taglay nito ang hanging umaabot sa 85 kph at bugsong hanggang 105 kph. Papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hatinggabi ng Biyernes o Sabado ng umaga at papangalanang “Uwan.”
Posibleng maging typhoon sa Biyernes at super typhoon sa Sabado ang “Uwan,” na inaasahang tatama sa Northern o Central Luzon, ayon sa PAGASA.
Ayon sa OCD, pinaiigting ang mga paghahanda alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Defense Secretary at NDRRMC chairperson Gilberto Teodoro Jr.
“May dalawang araw na lang tayo para sa paghahanda, dahil simula Sabado at Linggo mararanasan na ang masamang panahon dulot ng Bagyong Uwan,” dagdag ng OCD. Santi Celario