ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Arestado ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA-9) ang isang high-value target at nasamsam mula rito ang dalawang kilong hinihinalang meth na nagkakahalaga ng P13.6-million sa isang buy-bust operation nitong Saturday (Nob. 8) sa Barangay Talisayan, Zamboanga City.
Kinilala ni PDEA-9 regional director Bryan Babang ang naarestong suspek na si alyas Gamar, 41, tricycle driver at residente ng Isabela City, Basilan.
Bukod sa meth, nasamsam din sa kanya ang isang kalibre .40 pistol, boodle money, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Sa Pagadian City, inaresto naman ng PDEA-Zamboanga del Sur Provincial Office ang isang drug personality at nakuhanan ng humigit-kumulang 25 gramo ng hinihinalang meth, na tinatayang nagkakahalaga ng P170,000, sa isinagawang buy-bust operation noong Sabado sa Barangay Tiguma.
Kinilala ng mga awtoridad ang naarestong suspek na si alyas Edwin, 46, construction worker at residente ng parehong barangay. RNT/MND