MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim sa isang taon ‘state of national calamity’ ang bansa dahil sa bagyong Tino, tila hindi natinag ang mga kompanya ng langis sa bansa makaraang magpatupad muli sila ng dagdag presyo sa kada litro ng kanilang mga produktong petrolyo na ipatutupad bukas ng umaga.
Sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Uwan sa bansa, naglabas ng abiso ang mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum kung saan magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.00 sa kada litro ng diesel at P0.90 sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May oil price hike din sa kada litro ng mga itinitindang produktong petrolyo sa kahalintulad na presyo ang kompanyang CleanFuel na magiging epektibo bukas ng alas-4:01 ng hapon.
Ang ipatutupad na oil price hike sa mga nasabing produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.






