Home HOME BANNER STORY Anti-Political Dynasty Bill, pagpapalakas sa ICI, prayoridad ni Speaker Dy

Anti-Political Dynasty Bill, pagpapalakas sa ICI, prayoridad ni Speaker Dy

318
0

MANILA, Philippines – Ipinangako ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na bibigyang-priyoridad ng Kamara ang mga reporma laban sa korapsyon, kabilang ang mabilis na pagpasa sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) bill at mga hakbang laban sa political dynasties.

“May isang hamon na patuloy na humahadlang sa pag-unlad, isang sugat na matagal nang nananatili sa lipunan—ang korapsyon. Ito ang kalawang ng gobyerno na unti-unting kumakain sa tiwala ng mamamayan,” ani Dy, na tinukoy ang korapsyon bilang pangunahing dahilan ng mga hindi natatapos na proyekto at nabigong serbisyo.

Binigyang-diin ng Speaker na ipapasa ang ICI bill bago mag-Christmas break ang Kongreso.

Malinaw ang ating mensahe: there will be zero delays in the passage of this measure because our people have zero tolerance for corruption.”

Tinanggap ni House Senior Deputy Minority Leader Edgar Erice ang hakbang at hinikayat ang pagtatatag ng technical working group upang matapos ang bill.

Ilan sa mga panukala sa Kamara ay naglalayong palakasin ang kapangyarihan ng ICI at ng magiging tagapagmana nitong Independent Commission Against Infrastructure Corruption para imbestigahan ang anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.

Pinangako rin ni Dy ang priyoridad para sa Anti-Political Dynasty Bill, at binigyang-diin na ang paglilingkod ay hindi minamana kundi ipinagkakatiwala ng taumbayan.

“Ang layunin nito ay hindi upang hadlangan ang sinuman, kundi upang palawakin ang pagkakataon para sa mas maraming Pilipino na makapaglingkod at makibahagi sa pamahalaan,” sabi niya.

Ani Erice, bagama’t may ilang maayos na dynasties, karamihan ay nang-aabuso ng kapangyarihan.

Hinimok niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na magsimula sa kanilang sariling pamilya bilang halimbawa.

Sa kasalukuyan, iilang panukala lamang laban sa political dynasties ang naisampa, kabilang ang House Bill 909 at panukala ni Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao na nakatakdang isumite sa Nobyembre 12. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here