MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Finance (DOF) nitong Miyerkules, Nobyembre 12 na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa disaster response para sa agarang relief at rehabilitasyon ng mga komunidad na tinamaan ng lindol at sunod-sunod na bagyo.
“Mahalaga na laging may nakahandang pondo ang gobyerno para sa agarang tugon sa mga emergencies. Bilang pambansang fundraiser, sinisiguro namin sa DOF na tayo ay may sapat na pondo at kakayahan na agad na tugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino sa oras ng kalamidad,” sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto.
Ayon sa DOF, ang pamahalaan ay naglabas ng P17.85 bilyon ng P21 bilyong National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) o Calamity Fund hanggang nitong Nobyembre 9, 2025.
Pinaglalaanan ito ng pondo taon-taon na sumusuporta sa disaster risk reduction, prevention, at preparedness activities, maging sa agarang tulong, relief at rehabilitation services matapos ang kalamidad.
Pagpapatuloy, naglaan din ang pamahalaan ng resources para sa Quick Response Fund (QRF) mula sa national budget, na inilalaan para sa key government agencies bilang standby fund para sa rehabilitasyon at recovery ng mga komunidad na apektado ng kalamidad at iba pang national emergency.
Hanggang nitong Nobyembre 10, ang pamahalaan ay nakapaglabas na ng P13.96 bilyon sa ilalim ng QRF. RNT/JGC