MANILA, Philippines – Itinuring ng Malakanyang na isang ‘wild accusations’ ang naging rebelasyon ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co sa isang uploaded video na tumagal ng 6 na minuto kung saan ay direktang idinadawit nito sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ,House Speaker Martin Romualdez at DBM Secretary Amenah Pangandaman sa flood control anomaly.
Para kay Presidential Communcations Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na ang lahat ng akusasyon ni Co ay walang basehan at katotohanan.
“All the charges leveled against the President are pure hearsay,” ayon kay Gomez sa press briefing sa Malakanyang.
“Let us not forget– President Marcos Jr. himself exposed all these flood control anomalies and has taken numerous steps since to ensure that the guilty are brought to justice, the stolen wealth recovered, and the system is fixed to avoid any of these from happening again,” ayon pa rin kay Gomez.
Kaya nga ang hamon ni Gomez kay Co, marapat na magbalik sa Pilipinas at lagdaan ang lahat ng kanyang sinabi ‘under oath’ na may tamang judicial authorities.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dahil lumiliit na ang mundo ni Zaldy Co, kailangan niyang umiwas at iiwas ang sarili at mag-name drop kahit walang katibayan at laway lang ang puhunan.
“Para masagip ang sarili sa paratang ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at mapalitaw na siya ang biktima, siya ay magtatahi ng maling kwento laban sa ibang tao. Magtuturo ng iba pwera ang sarili niya kahit na ang ari-arian niya at ng kanyang pamilya ay nagsusumigaw ng ebidensya laban sa kanya,” ang sinabi ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na ang pagkakasangkot ng pangalan ni Zaldy Co ay bunga ng mga ebidensya, mga testimonya, at mga diumanong pagpapayaman niya na makikita sa mga ari-ariang naipundar nito.
Ang naging pahayag aniya ni Co ay mas nagbunga pa ng maraming katanungan sa halip na sagutin nitoang kanyang naging papel sa sinasabing anomalya.
“Lahat ng mga sinasabi ni Zaldy Co ay pawang mga imbento lamang– walang basehan, walang ebidensya,” ayon kay Castro.
“Umuwi muna siya sa Pilipinas at sumpaan ang kanyang mga sinabi, at harapin ang mga demanda o kaso laban sa kanya,” ang hamon ni Castro.
“Pakatandaan natin: nagsimula ito sa sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA 2025 — “Mahiya naman kayo.” Bakit niya pasisimulan ang malalimang pag-iimbestiga, mag-establish ng ICI — independent commission to investigate the anomalous flood control projects and other infrastructure — kung ang Pangulo ay may kinalaman dito? Logic. Hindi ba dapat iiwasan niya ang issue na ito kung siya mismo ang mapapaso,” litaniya ni Castro.
Giit pa ni Castro, ang imbestigasyon na sinimulan ng Pangulo ay unti-unti na aniyang nagbubunga.
“Malinaw na ang mga pangyayari. Papalapit na papalapit tayo sa katotohanan kaya pinipilit ilihis upang makaiwas ang mga tunay na may sala sa katarungan,” aniya pa rin.
Samantala, pinasinungalingan naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang akusasyon ni Co.
Ang paliwanag ng Kalihim, ang lahat ng appropriations na ipinag-utos ng Pangulo ay nasa National Expenditure Program kaya nga aniya tinawag itong President’s Budget.
“So we reject any insinuations about it. The bicam is purely under the power of the legislature. We respect and strictly follow the budget process and all our actions are aboveboard,” anito.
“Kung maalala niyo ang proseso ng budget, ginagawa po ng executive ng anim na buwan ang ating president’s budget and national expenditure program. Ayon sa Constitution, we have 30 days after the state of the nation address para i-submit ang national expenditure program sa Kongreso. At ayon din. Sa constitution pagkatapos natin ma-submit po ang budget sa Kongreso, magkakaroon tayo ng briefings di po ba,” ani Pangandaman.
“So ginawa rin yan ng executive para ma-ekplika kung paano ginawa ang president’s budget at ang national expenditure program. Pagkatapos po nun magdideliberate na po sila. Wala na pong role ang Office of the President, ang Executive sa bicam ‘yun lang po maraming salamat po,” ang sinabi ng Kalihim. (KRIS JOSE)