MANILA, Philippines – Tuloy-tuloy ang AFP Modernization kung saan pinangunahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman, kasama si Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lt. General Arthur M. Cordura, ang acceptance, turnover, at blessing ceremony ng limang bagong Black Hawk utility helicopters ng Philippine Air Force kahapon Nobyembre 14, sa Villamor Air Base, Pasay City.
Ayon kay Pangandaman, sa panahon ng emerhensiya, recovery at rehabilitation, batid aniya na ang oras ay mahalaga at kritikal para sa pagligtas ng mga buhay.
Binigyang-diin na para sa mga Pilipinong nakatira sa liblib na lugar na hindi marating at mga komunidad na laging tinatamaan ng sakuna–ang bawat Black Hawk helicopter ay dagdag na pag-asa, proteksyon at mabilis na tulong mula sa pamahalaan.
Ang S-70i Black Hawk ay kilala sa tibay at versatility, kaya nitong tumugon sa iba’t ibang sitwasyon—mula sa operasyon ng militar hanggang sa rescue, relief, at humanitarian missions.
Ayon pa sa DBM, sa mga oras ng baha, landslide, lindol, o anumang kalamidad, ang Black Hawk ang isa sa mga unang lumilipad para maghatid ng pagkain, tubig, gamot, at mga rescuer, o magsakay ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutan.
Dahil sa kanilang lakas at kakayahan, nagagamit ang Black Hawk helicopters para magdala ng personnel at kagamitan, magsagawa ng medical evacuation, tumulong sa search and rescue, magsagawa ng aerial assessment kapag may sakuna, at makapagligtas ng mga kababayan nating na-stranded o nangangailangan ng mabilis na ayuda.
Nagagamit din kahit sa firefighting operations ang mga ito gamit ang heli-buckets para sa mas mabilis na tulong, mas ligtas na pagresponde, at mas maraming buhay ang maaaring mailigtas.
Ang limang bagong helicopters na ito ay bahagi ng kabuuang 32 units na nasa ilalim ng PAF’s Additional Utility Helicopter Acquisition Project. May darating pang limang units sa December 2025, at ang huling pitong units naman ay inaasahang matatanggap sa second quarter ng 2026.
Sa patuloy na modernisasyon ng ating Air Force, tiniyak ng pamahalaan na mas mabilis ang pagresponde sa panahon ng sakuna, mas ligtas ang paghatid ng tulong, at mas handa ang bansa sa anumang panganib. Ito ang layunin ng Bagong Pilipinas—ang tiyaking hindi lang malakas ang Sandatahang Lakas, kundi mas ligtas at mas protektado ang bawat Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden