Home NATIONWIDE Pagsasampa ng kaso vs flood control scandal, pinamamadali ni Bam

Pagsasampa ng kaso vs flood control scandal, pinamamadali ni Bam

300
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Bam Aquino ang Department of Justice (DOJ) na kumilos nang mabilis sa mga kaso ng maanomalyang flood control projects, sa pagsasabing nananawagan ang publiko ng hustisya at pananagutan sa gitna ng mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.

“Siguro po napansin po nila na malungkot ang Christmas ng mga tao? Mahirap po magkaroon ng Christmas spirit ngayon, tuloy-tuloy yung mga bagyo, mga typhoon, at maraming sakuna,” wika ni Aquino kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa Senate Blue Ribbon Committee hearing tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.

“Pero iyong isa ring hinahanap ng tao, hustisya. So we will hold you to that, Prosecutor General, that there will be a resolution to these cases by the middle of December,” dagdag pa niya.

Nangako si Fadullon na reresolnahin ng DOJ ang limang aktibong kaso pagsapit ng kalagitnaan ng Disyembre at magsasampa ng karagdagang kaso sa Office of the Ombudsman bago matapos ang taon.

“Titiyakin po namin na itong mga kaso na ito ay maresolba, at iyong ibang kaso po na patuloy na iniimbestigahan ay maisasampa at maire-refer na rin sa Office of the Ombudsman before the end of the year,” sabi ni Fadullon.

Bagaman lumitaw ang maraming pangalan sa mga nakaraang Senate hearings, sinabi ni Fadullon na hindi maaaring magsampa ng kaso nang walang ebidensiya na susuporta rito.

“Kaya ang nagiging dahilan kung bakit tayo naaantala is because hinahanap po natin iyong corroboration para doon sa mga tao na nagbibigay ng kanilang salaysay sa Department of Justice,” paliwanag niya.

Samantala, hinimok ni Aquino ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuparin ang kanilang pangakong ilunsad ang isang transparency portal na magbibigay sa publiko ng buong access sa mga kontrata ng ahensya sa lahat ng distrito sa buong bansa.

“Last time tayo nagkita, nangako po si DPWH Secretary (Vince) Dizon ng transparency portal. Is this already operational?” tanong ni Aquino kay DPWH Undersecretary Arthur Bisnar.

“It will be launched very soon, Your Honor,” sagot ni Bisnar.

Nang pilitin ni Aquino ang malinaw na timeline, tiniyak ni Bisnar na ilulunsad ang portal “within a month’s time.”

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng portal sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko, at sinabi niyang inaasahan niyang tutuparin ng DPWH ang kanilang pangako.

“That will be a big step. Huwag sana pong ma-delay iyong launch po niyan,” wika niya.

Bago rito, isinusulong ni Aquino ang Senate Bill No. 1506, o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng gobyerno na i-upload at i-maintain ang mga dokumentong may kaugnayan sa budget—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at detalye ng procurement—sa isang Digital Budget Platform upang matiyak ang transparency at accessibility.

Kilala rin bilang Blockchain the Budget Act, layunin ng panukala na gawing traceable, tamper-resistant, open-source, at verifiable ang mga public records upang maiwasan ang manipulasyon at mapalakas ang pananagutan.

“Sinisigurado ng CADENA Act na mababantayan ng taumbayan ang pinaghirapan nilang buwis, at malalaman ng sambayanang Pilipino kung paano ginagastos ang kaban ng bayan. Kaya sigurado ako na ang tanging matatakot lang sa CADENA ay ang mga kurakot na mayroong tinatago,” binanggit ni Aquino sa kanyang sponsorship speech. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here