MULA sa mahigit 400 na maanomalyang flood control projects na tinukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tinukoy na nito ang 80 flood control projects na bibigyang-prayoridad sa isinasagawang imbestigasyon at pagbuo ng mga kaso.
Ayon kay ICI special adviser Rodolfo Azurin, Jr., ang mga naturang proyekto ay konektado sa 15 hanggang 18 kontratista na umano’y nakakuha ng malaking bahagi ng pondo para sa mga flood control works, kagaya ng ibinunyag ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., noong Agosto 2025. Sa kabuuan, nasa 421 proyekto ang iniimbestigahan ng komisyon. Nakatakdang magsasagawa ng inspeksyon ang ICI sa Ilocos region at Central Cebu, partikular sa Cebu City at Mandaue City, kung saan nagdulot ng matinding pagbaha ang Bagyong Tino.
Layunin ng imbestigasyon na alamin kung bakit nagkaroon pa rin ng malalang pagbaha kahit na umabot sa Php26.7 billion na ang inilaan para sa mga flood control projects sa probinsya mula taong 2022 hanggang 2025, batay sa ulat ni Cebu governor Pamela Baricuatro.
Kasabay nito, sinabi ni Azurin na nakikipagtulungan ang ICI sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa National Bureau of Investigation (NBI) upang makuha ang mga bid documents na kanilang ihahambing sa aktuwal na implementasyon ng mga proyekto.
Nakipagpulong din ang komisyon sa mga kinatawan ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines, at DPWH sa Camp Crame upang bumuo ng unified action plan para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga indibidwal o kompanyang sangkot sa anomalya.
Matatandaang mismong si Pangulong BBM ang nagbulgar sa 15 kontratista na nakakuha ng halos 20 porsyento ng Php545.65 bilyon na pondo para sa flood control projects mula July 2022 hanggang May 2025.
Sinabi ni ICI executive director Brian Hosaka na humihiling ang komisyon ng immunity mula sa criminal at civil liabilities habang isinasagawa ang kanilang imbestigasyon.






