MATINDI ang pasabog ni dating Congressman Zaldy Co, mga rebelasyong deretsahang tumuturo kina Pangulong Bongbong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez bilang nasa likod ng P100-bilyong insertion at “kumikbak” sa flood control ghost projects.
Pero bakit parang hindi ito binigyan ng sapat na pansin ni Blue Ribbon chair Ping Lacson?
Nakapagtataka ang katahimikan ni Ping. Nagbitaw ng ilang salita, pero malabnaw. ‘Yung mga pahayag niya ay tila nakaangkla sa iisang script na ang layon ay iligtas si Martin Romualdez.
Bago pa man ito, may pattern na ang mga kilos ni Ping. Una niyang binanatan si former Philippine Marine Orly Guteza, na unang nagsiwalat ng ilan sa mga pahayag ni Co. Kumpleto ang mga detalye ni Guteza na dating security consultant ni Zaldy Co. Pero binalewala ni Lacson at siniraan pa nga niya ito. Tila ang layunin ni Ping ay ilihis ang direksyon ng imbestigasyon.
Tapos, may drama pa na kunwari ay “nag-resign” bilang Blue Ribbon chair. Bakit? Para hindi matumbok si Martin? Nandoon na eh. Konting tulak na lang, tatamaan na sana ang tunay na nasa likod ng anomalya.
Hindi tuloy maiwasang mapansin ng publiko at magtanong kung para saan at para kanino ba ang Senate Blue Ribbon Committee. Sa halip na maging instrumento ng katotohanan, para bang nagiging palabas lang ito. Pinapanagot ang mga taong walang sala, habang pinoprotektahan ang mga tunay na nasa likod ng katiwalian.
Marami ang nagsasabi na ito naman talaga ang dahilan kung bakit naupo si Tito Sotto bilang Senate President at si Ping bilang Blue Ribbon chair. Noong si Rodante Marcoleta pa ang Blue Ribbon chair, masyadong naging outspoken si Guteza sa Senado. At doon nagsimulang gumulong ang makinarya para patahimikin ang mga whistleblower at protektahan ang mga “untouchable.”
Eto na nga ang salaysay ni Zaldy Co—may pangalan, may transaksyon, at may quote pa mula sa Pangulo at kay Romualdez. Pero ano ang reaksyon ni Ping? Wala!
Galit na galit na ang publiko. Kumukulo na ang kalsada sa mga protesta laban sa katiwalian dahil sa bigat ng mga akusasyon sa administrasyon.
Ang tanong ng mga naghahanap ng hustisya at katotohanan: Para kanino ka ba talaga Sen. Ping? Para kina PBBM at Martin, o para sa taumbayan?






