NUEVA ECIJA, Philippines – Dead on the spot ang isang 52-anyos na biker makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang motorcycle rider sa Maharlika Highway, Barangay Dicarma, Cabanatuan City kaninang umaga.
Ang biktima ay kinilala ng mga awtoridad na si Ricardo Evaristo y Asuncion, residente ng Barangay M.S. Garcia, Cabanatuan City.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sakay sa kanyang bisikleta ang biktima nang bigla na lamang pagbabarilin ng hindi kilalang salarin na nakasuot ng helmet at jacket.
Matapos makitang bumulagta sa kalsada ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng motorsiklo, patungong south direction.
Ayon sa mga driver ng mga nakapilang tricycle malapit sa crime scene, sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig bago nakitang nakabulagta sa kalsada ang biktima.
Wala pang pahayag ang mga awtoridad dahil patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa krimen, kasabay ng pagsasagawa ng “Oplan Bakod” at manhunt operation laban sa suspek. (MARINA BERNARDINO-SY)