MANILA, Philippines – Hinimok ng grupo ng mga retiradong militar at police generals si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang batas laban sa political dynasties, sa pagsasabing ang dynasty at korapsyon ay magkaugnay.
Ayon kay Retired Brigadier General Eliseo Rio Jr, miyembro ng Advocates for National Interest (ANI), ang problema ng unchecked corruption ay mayroong epekto at sinabing dapat na tanggapin ng Pangulo ang bala kahit pa hindi patok ang anti-political dynasty law sa ilang grupo.
“Bakit may korapsyon? Ang dynasty nagiging family business at sa korapsyon nila kinukuha ‘yung return of investment,” ani Rio sa panayam ng DZMM.
“Halos lahat ng nakapwesto ay political dynasty. 80 percent ng lahat ng mga local government units ay political dynasty. Ito ay isang concern. Kung mabawasan ‘yung mga kamag-anak na namumuno, magkakaroon tayo ng check and balance. In other words, kung hindi kamag-anak, napupuna kung mayroong ginagawang hindi maganda ang isang politiko.”
“Ang corruption at political dynasty are two sides of the same coin. So kung gusto mong mabawasan ang corruption, dapat pairalin ang isang batas na nagde-define kung ano ‘yung political dynasty.”
Ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution ang political dynasties, ngunit kulang ito sa enabling law kung kaya’t napapayagan ang mga political clan na magkaroon ng kapangyarihan hanggang sa halos kalahati ng incumbent public officials ay mula sa mga dinastiya.
Sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism, lumabas na 80% ng mga miyembro ng Kamara ay dynasty.
Noong Huwebes, naghain si Senador Risa Hontiveros ng bagong panukala na magbabawal sa political dynasty sa elective offices.
Layon nitong pagbawalan ang mga asawa o kaanak sa fourth degree of consanguinity o affinity sa isang national official sa pagtakbo sa national elections o ng lokal na opisyal na tumakbo sa local level sa kaparehong legislative district, probinsya o lungsod.
Samantala, pinuri naman ni Rio si Pangulong Marcos Jr. sa pag-akto nito nang mabilis sa isyu ng flood control ngunit may magagawa pa ito aniya.
“Gawin niyang urgent ‘yung legislation. Isa ‘yun sa mga powers ng presidente…Bite the bullet. Use your political will kahit na unpopular sa grupo niyo, kailangana gawin ninyo for the sake of our country.”
Kasabay nito ay nanawagan siya ng agarang reporma sa electoral system.
“Dapat mapareporma ang ating elections system dahil ang nangyayari, parang kuwan ba, expenses nila ‘yung gagawin para bumili ng boto tapos babawiin pag sila ay nasa pwesto na.” RNT/JGC