Home NATIONWIDE Paghahanda sa Ligtas Paskuhan 2025 pinaigting ng PNP

Paghahanda sa Ligtas Paskuhan 2025 pinaigting ng PNP

263
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mas mahigpit na security measures sa buong bansa sa papalapit na selebrasyon ng Kapaskuhan, mula sa Simbang Gabi hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa pahayag, sinabi ni Nartatez na lahat ng police units ay naka-heightened security posture na sa ilalim ng Ligtas Paskuhan 2025 operational guidelines, isang comprehensive plan na naka-disenyo para pangasiwaan ang pagdami ng mga akibidad, pagbiyahe at pagtitipon ngayong holiday season.

Ito ay ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhin ang ligtas, maayos at mapayapang holiday season sa pagpapalakas ng law enforcement operations at pagpapalakas ng presensya ng mga pulis sa mga komunidad.

Tataasan ang police visibility sa mga transport terminal, church grounds, commercial districts at kilalang holiday destinations.

Sa pagdami naman ng mga overseas Filipino worker na darating ngayong buwan, ilalatag din ang mga police assistance desk sa Ninoy Aquino International Airport, Mactan-Cebu International Airport, mga pantalan at mga bus terminal.

Susuporta rin ang mga pulis sa crowd management, traffic flow, lost-and-found cases at emergency incidents.

Magpapadala rin ng mga pulis sa mga simbahan sa buong bansa na daragsain sa pagsisimula ng Simbang Gabi.

Higit pa sa crowd management, sinabi ng PNP na paiigtingin din nito ang mga operasyon laban sa mga nakawan, at iba pang krimen na tumataas tuwing holiday season.

Bilang paghahanda sa selebrasyon ng Bagong Taon, makikipag-ugnayan ang mga police unit sa mga lokal na pamahalaan para sa designated firecracker zones.

Mahigpit na imomonitor ng PNP ang pagbebenta ng mga illegal na paputok at parusa sa mga lalabag dito.

Nagpaalala rin si Nartatez sa mga may-ari ng baril na maging responsable sa paggamit nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here