MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na ang kamakailan lamang na pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa military camps ay sumasalamin sa kanyang labis na pasasalamat at suporta para sa mga government troops.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang naging pagbisita ng Pangulo ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang commander-in-chief at dapat lamang na hindi kuwestiyunin, maging anuman ang kasalukuyang usapin na kinahaharap ng Pangulo, kabilang na ang di umano’y plano ng military na bawiin ang suporta nito sa administrasyon.
“Hanggang may oras po ang Pangulo, hindi po ito dapat kinukuwestiyon. Ang pagbisita sa ating mga kasundaluhan, sa mga uniformed personnel ay nararapat lamang po bilang commander-in-chief,” ang sinabi ni Castro.
“So, wala po itong kinalaman kung mayroon mang isyu ngayon, obligasyon po ng Pangulo na bisitahin sila,” dagdag na wika nito.
Nilinaw naman ni Castro na ang kamakailan lamang na anunsyo kaugnay sa pagtaas ng base pay at subsistence allowances ng lahat ng military and uniformed personnel (MUP) ay naglalayong magbigay ng suporta, maging anuman ang panganib at sakripisyo na gawin ng mga ito habng bitbit ng mga ito ang kanilang mandato.
Sa kabila ng mga kritisismo kaugnay sa timing ng base pay increase para sa MUP, sinabi ni Castro na ang pagkilala sa military ay hindi base sa political noise o panawagan para sa posibleng reset o pagpapatalsik kay Pangulong Marcos sa puwesto.
“Karapatan po nila at dapat lamang pong kilalanin ang kanilang pagiging bayani ng ating bayan. So, sa mga ganiyang usapin, mga negatibo na ibinibigay at pinupukol sa Pangulo, hindi po ito magpapatigil sa Pangulo para bigyan ng tulong ang ating mga kasundaluhan,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, sa kamakailan lamang na camp visits ng Pangulo, nangako ito ng patuloy na suporta para sa military. KRIS JOSE