Home NATIONWIDE “Resignation strategy” ng Malacañang laban sa alegasyon ng korapsyon kinondena ng Makabayan...

“Resignation strategy” ng Malacañang laban sa alegasyon ng korapsyon kinondena ng Makabayan bloc

205
0

MANILA, Philippines – Kinondena ng Makabayan bloc sa Kongreso ang tinaguriang “resignation strategy” ng Malacañang bilang paraan para iwasan ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa korapsyon.

Ayon sa pahayag noong Biyernes, Dec. 5, sinabi ng mga solon na ginagamit umano ng administrasyong Marcos ang pagbibitiw ng mga opisyal bilang “maginhawang daan para makatakas” ang mga sangkot sa anomalya na posibleng mag-ugat sa mismong Pangulo.

Pinuna nila ang pagbibitiw ni DOJ Undersecretary Jojo Cadiz, na dating staff ng Senado ni Pangulong Marcos at umano’y konektado sa kickbacks at mga kontratista sa hilagang bahagi ng bansa.

Ani ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co:

“Ang pagbibitiw ay hindi solusyon—ito ay pagpapalusot lang. Ang pattern ay malinaw: kapag nagiging pasanin ang opisyal, pinapabitiw bago siya makapagpatotoo at mailantad ang posibleng koneksyon ng Pangulo.”

Sinabi rin nila na ang pag-alis ni Cadiz at ng iba pang dating opisyal gaya nina Lucas Bersamin, Amenah Pangandaman, at Trygve Olaivar ay patunay na umaabot sa pinakamataas na antas ng administrasyon ang korapsyon.

Nanawagan ang Makabayan bloc na agarang imbestigahan ang lahat ng Cabinet members na sangkot sa flood control scandal.

“Hindi puwedeng maghugas-kamay si Marcos habang ang mga tauhan niya ay isa-isang umaalis dahil sa korapsyon,” dagdag nila. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here