MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Sabado, Disyembre 6, na sangkot siya sa “ghost” o non-existent flood control projects sa Bulacan matapos siyang mapasama bilang respondent sa dalawang reklamong inihain sa Department of Justice (DOJ).
“Ang naratibo na pilit nilang ikinakasa laban sa akin ay hindi lamang kasinungalingan, ito’y sadyang ‘di kapani-paniwala,” pahayag ni Revilla sa isang Facebook post.
“I am an easy target being used to muddle the truth, but the truth will always come out,” dagdag ng dating senador.
Ayon sa DOJ, si Revilla at dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co ay tinukoy bilang “proponents” sa flood control projects sa Bulacan.
Napasama rin si Revilla sa isa sa mga reklamo sangkot ang SYMS Construction.
Nitong linggo, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang paghahain ng reklamo laban kay Revilla at iba pa batay sa mga testimonya na ibinigay ni dating Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo.
Nauna nang inakusahan ni Bernardo si Revilla na tumatanggap ng 25% halaga ng komisyon sa flood control projects.
Kasunod ng hakbang ng ICI, sinabi ng tagapagsalita ni Revilla na hindi naimbitahan ang dating senador mula sa fact-finding body at hindi rin hiniling na ipaliwanag ang sarili.
“Ginagamit ang aking pangalan para malihis sa katotohanan—ngunit ang katotohanan, kailanman ay hindi matatakpan,” ayon kay Revilla.
“I have lived my life facing all challenges thrown my way. Hindi ako tumakbo, hindi ako nagtago. Hindi ako umurong noon, hindi ako uurong ngayon. At dahil ang katotohanan ay nasa aking panig, haharapin ko ito nang buong tapang at paninindigan,” dagdag pa nito.
“Kasama kayo, nananalig akong sa huli, ang mga tunay na may sala ang mananagot—para sa hustisya at para sa bayan.”
“There’s a request for extension to file the counter-affidavit. So the panel will act accordingly… we just have to see and await the results of the preliminary investigation,” sinabi naman ni Prosecutor General Richard “Dong” Fadullon. RNT/JGC