BICOL, Philippines – Nagpatuloy ang malalakas na ulan dulot ng shear line at Tropical Depression Wilma—na naging low-pressure area noong Linggo—at nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa Bicol region.
Ayon sa Office of Civil Defense Bicol, 942 residente mula sa 11 bayan ang inilikas patungo sa iba’t ibang evacuation centers sa Albay, Masbate, Camarines Sur, Sorsogon, at Catanduanes.
Dahil sa masamang panahon, 6,473 pasahero at 1,662 rolling cargoes ang na-stranded matapos ipatigil ang biyahe sa lahat ng pantalan sa rehiyon.
Nag-isyu ang PAGASA ng red rainfall warning alas-2 ng hapon noong Linggo sa Camarines Norte, na posibleng magdulot ng matinding pagbaha at landslide. Nagbabala rin ito ng katamtamang ulan sa iba pang lalawigan.
Sa Catanduanes, winasak ng malakas na ulan ang isang spillway na nagdurugtong sa Barangay Pagsangahan at kalapit na mga nayon sa bayan ng San Miguel. Ilang sasakyan ang na-stranded habang hinihintay ang paghupa ng tubig-baha.
Sa bayan ng Panganiban sa Catanduanes, nagkaroon din ng slope collapse sa Barangay San Miguel, kaya nagbabala sa mga motorista na mag-ingat.
Sa Albay, lumubog sa tubig hanggang bewang ang Barangay Alimsog sa Sto. Domingo at Barangay 5 Bulaso sa Bacacay, kaya kinailangang ilikas ang mga residente. RNT/MND