MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na wala munang taas-pasahe para sa traditional at modern jeepneys.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, mahalaga ito para mapanatili ang katatagan ng ekonomiya, lalo na’t marami pang probinsya ang bumabangon mula sa mga bagyo at lindol.
Paliwanag ni Lopez, ang taas-pasahe ay makakapagpabigat hindi lang sa mga commuters, kundi pati sa mga pamilya ng mga tsuper at operator dahil maaari rin nitong magpataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binanggit ng DOTr ang pag-aaral ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDEV) na nagsasabing ang pagtaas ng jeepney base fare ng ₱1–₱2 ay maaaring magpabilis ng inflation sa susunod na dalawang taon.
Ilan sa mga transport group ay nagpetisyon kamakailan upang itaas ang minimum fare mula ₱13 → ₱14 para sa traditional jeepneys, at mula ₱14 → ₱15 para sa modern jeepneys
Nanawagan naman ang transport group Manibela na magbigay ang gobyerno ng subsidy at discounts para makatulong sa mga tsuper at operator.
Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, pabor sa publiko ang walang taas-pasahe, pero dapat may agarang tulong para sa mga tsuper.
Samantala, ang DOTr at LTFRB, kasama ang DOJ at Presidential Anti-Organized Crime Commission, ay magtatatag ng Anti-Colorum Task Force upang labanan ang mga protektor at sindikatong nasa likod ng ilegal o “colorum” na transportasyon. RNT/MND