Home METRO Exit ni Singson senyales ng kinakailangang pagsasabatas sa ICAIC

Exit ni Singson senyales ng kinakailangang pagsasabatas sa ICAIC

253
0

Sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na ang pagbibitiw ni dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson bilang komisyoner ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ay nagpapakita ng agarang pangangailangan na maipasa ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) bill.

“While we value Sec. Babes’ expertise, naiintindihan din natin if he wants to prioritize his health, and the safety and well-being of his family,” wika ni Tiangco.

“Pero ipinapakita nitong resignation na sa dami at bigat ng mga proyektong dapat imbestigahan, kailangan na talagang palakasin ang mandanto ng ICI,” dagdag niya.

Naunang inihain ni Tiangco ang House Bill No. 5699 para likhain ang ICAIC, isang pinalakas na katawan na may mas malawak na awtoridad sa pag-imbestiga ng mga anomalya sa imprastruktura sa buong bansa, upang masiguro ang pagpapatuloy kahit magbitiw ang mga komisyoner. Palalawakin ang komposisyon mula tatlo hanggang limang miyembro, kabilang ang isang retiradong mahistrado, isang engineer o architect na may 20 taon karanasan, isang certified public accountant na may 20 taon karanasan, isang kinatawan mula sa akademya, at isang kinatawan mula sa isang kagalang-galang na NGO.

Magpapatuloy sa holdover capacity ang unang tatlong miyembro sa kasalukuyang imbestigasyon. “Kapag naipasa ang batas, hindi maantala ang imbestigasyon dahil lang may nagbitiw, dahil lima na ang members nito,” diin ni Tiangco.

Binigyang-diin din niya na bibigyan ng ICAIC ng kapangyarihan na magrekomenda ng pagsasampa ng kaso, mag-refer ng mga verified complaints sa AMLC, mag-isyu ng subpoena, magkaroon ng contempt powers, at mag-isyu ng preventive suspension o hold-departure order laban sa opisyal na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.

Ipinahayag ni Tiangco ang kumpiyansa na uunahin ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panukala, na mahalaga sa muling pagtatayo ng tiwala ng publiko.

“We should heed the call of Sec. Babes and the people who are working in ICI. Mismong sila na ang nagsasabi na kailangan nila ng tulong para magawa nila nang mabilis at maayos ang trabaho nila,” dagdag niya.

“By making this bill a priority, ipinapakita natin sa taumbayan na handa tayong papanagutin ang mga nakinabang sa mga maanomalyang infrastructure projects, kahit mambabatas pa ang mga ‘yan,” aniya.

Sa naunang briefing, hinimok mismo ni Singson ang mga mambabatas na kumilos agad. “I am appealing to members of Congress, both the House and the Senate, ipasa niyo na ‘yong Independent Peoples Commission at the Senate level, and the ICAIC which is the lower house version,” sabi niya.

“They committed that they will pass it before the end of the year, so hopefully by then you will have a much stronger independent commission with proper powers and authorities that the ICI does not have. We need strong support from both houses of Congress. Otherwise, on its own and without the necessary powers, unfortunately it will not move as fast as we want to,” dagdag ni Singson. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here