MANILA, Philippines – BINATIKOS ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Senador Robin Padilla matapos hikayatin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na “never surrender to the foreign power” sa gitna ng ulat na nagpalabas ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa huli.
“Ang mensaheng ganiyan ay nagpapakita lang ng mga taong ayaw sumunod sa batas. Kapag po naman may valid warrant of arrest, alam natin kung anong dapat gawin. Hindi po dapat ina-advise na magtago at hayaang pulis na lamang ang humanap sa kanila dahil trabaho nila ito,” ayon kay Castro.
“Mas magandang ibigay natin na advice ay sumunod sa batas. At kung payo natin kay Senator Bato, hindi po ako ang kaniyang lawyer,” dagdag na pahayag ni Castro.
Nauna rito, pinayuhan ni Padilla si Dela Rosa na huwag sumuko sa mga banyaga.
Sinabi ito ni Padilla ng may pagrespeto sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa diumano’y pagtatago ng kapwa senador bunsod ng mga kumalat na ulat na may utos na ang korte na siya ay arestuhin.
Naniniwala ang senador na nag-iingat lamang ng husto si dela Rosa dahil dati itong alagad ng batas, kaya hindi ito nakikipag-usap kahit sa mga kasamahan sa minorya.
Samantala, nanawagan ng due process ang kampo ni dela Rosa at pagrespeto sa kanyang karapatan.
Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni dela Rosa, na dapat ay may malinaw na panuntunan ang gobyerno at Korte Suprema kung isusuko ang senador sa ICC.
Ipinagdiinan ni Padilla na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at kung malilinawan ng gobyerno ang kanilang mga isyu, ay susuko si dela Rosa.
Idinawit si dela Rosa sa crime against humanity na kinahaharap din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC bunga ng kanilang “war on drugs.” (KRIS JOSE)